Sara

Mayor Sara nagpasalamat sa pagsasabatas ng MDDA

269 Views

NAGPASALAMAT si vice presidential frontrunner at Davao City Mayor Sara Duterte sa pagsasabatas ng Metropolitan Davao Development Authority (MDDA) law na magiging kapaki-pakinabang umano sa pag-unlad ng mga Dabawenyo.

Sinabi ni Duterte na ang panukala ay isinulong sa Kamara de Representantes ni Davao City Rep. Isidro Ungab at ni Sen. Francis Tolentino naman sa Senado.

“Malaki ang matutulong nito dito sa Davao region dahil meron pong three areas may collaboration yung mga LGUs (local government units) na part ng Metropolitan Davao,” sabi ni Duterte.

Ang Republic Act (RA) 11708 o An Act Creating Metropolitan Davao Development Authority ay pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maging ganap na batas kamakailan.

Sa ilalim ng bagong batas ay magkakaroon ng mas sentralisadong plano para sa pag-unlad ng Metro Davao.

Sakop nito ang Davao City at ang mga siyudad ng Panabo, Tagum, at Samal sa Davao del Norte; Digos sa Davao del Sur; Mati sa Davao Oriental; at ang mga munisipalidad ng Sta. Cruz, Hagonoy, Padada, Malalag at Sulop sa Davao del Sur; Carmen sa Davao del Norte; Maco sa Davao de Oro; at Malita at Sta. Maria sa Davao Occidental.

Kasama sa gagawan ng masusing pagpaplano ay ang peace and order, solid waste management, traffic management at sektor ng transportasyon.

Sinabi ni Tolentino na ang MDDA ay ang pinagandang bersyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).