Barbers

Mayorya ng mga Pinoy -sawa na sa pambu-bully ng China sa WPs — Cong. Ace Barbers

Mar Rodriguez Mar 12, 2024
146 Views

NANINIWALA si Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace “Alas” S. Barbers na mayorya ng mga Pilipino ang hindi na natutuwa o sawang-sawa na sa patuloy na panggigipit at pambu-bully ng China sa tropa ng pamahalaan na nagbabantay sa West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ni Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na ang lumabas na resulta ng survey ng OCTA Research na kinomisyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay isang malinaw na indikasyon na maraming Pilipino ang nayayamot na sa ginagawa ng China laban sa Pilipinas.

Ipinaliwanag ni Barbers na batay sa resulta ng survey. Ipinapakita dito na pito (7) mula sa sampung (10) Filipino adults ang nakahandang depensahan o ipagtanggol ang Pilipinas sakaling sumiklab ang masalimuot na sitwasyon o conflict laban sa dayuhang kalaban tulad ng bansang China.

Binigyang diin ni Barbers, anak ng yumao at dating Senator Robert “Bobby” Z. Barbers, na bagama’t hindi pinangalanan ng OCTA Research ang conflict ng bansa sa WPS. Subalit lumalabas naman mayorya ng mga Pilipino ang may kamalayan sa issue ng pambu-bully ng China sa WPS.

“Sa aking pananaw, karamihan sa ating mga kababayan ay galit na sa bansang China dahil sa mga pinaggagawa nila sa mga Pilipinong mangingisda at Philippine Coast Guard sailors sa West Philippine Sea (WPS). Ang mga Pilipino ay tipikal na matimpiin pero kapag umabot na sa sukdulan ang pasensiya, yari kayo!” sabi ni Barbers.