Calendar
Ang mga pekeng PWD ID. Kuha ni EDD REYES
MDSW walang online assistance para sa PWD ID
BINALAAN ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) ang publiko hinggil sa alok na Online Assistance sa social media para sa pagkuha ng ID ng mga persons with disability (PWD).
Ayon kay MDSW Director Jay Reyes Dela Fuente, “scam” at malinaw na panlilinlang ang iniaalok na PWD ID na may kasamang booklet sa social media ng isang may account name na Pablo Escbr kapalit ng bayad na P1,500.
Aniya, walang online assistance ang tanggapan ng MDSW para sa pagkuha ng PWD ID at wala ring bayad ang mga Manilenyong may kapansanan para sa kanilang ID.
Puwede aniyang magtungo ang mga PWD sa Person with Disability Affairs Office (PDAO) na nasa tanggapan ng MDSW sa Manila City Hall o kaya ay sa kanilang anim na District Office sa lungsod para sa pagkuha ng libreng ID.
Napag-alaman na may mabibiktima talaga ang iniaalok na pekeng PWD ID sa social media kahit may malaking gastos dahil may lagda rin ito nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, Vice Mayor Chi Atienza, at ni Director Dela Fuente.
Bukod pa rito, ipinagmamalaki umano ng pekeng online assistance na naka-encode na sa database ng Department of Health (DOH) ang makukuhang PWD ID at idedeliber na lamang sa kanilang bahay matapos ang mga proseso at bayad.
Mahigpit ang babala ni Dela Fuente sa publiko, partikular na sa mga Manilenyo, na huwag basta-basta maniniwala sa social media hinggil sa online assistance upang maka-avail ng PWD ID lalu na’t libre aniya ito at madaling makakakuha ang mga may kapansanan na kuwalipikadong makakuha ng ID.

