Noel Damot

Mema Lang Talaga Si Robredo

Noel Damot Mar 30, 2022
325 Views

IDINAOS kamakailan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang Usapang Halalan, isang forum kung saan inimbitahan ang ilang kandidatong tumatakbo sa pagkapangulo para ilahad ang kanilang paninindigan at pananaw kaugnay ng ilang piling isyu.

Isa sa mga dumalo ay ang No. 2 sa ranking na si Leni Robredo na tila hindi pinapalampas ang bawat forum/debate (maliban na lamang sa forum o debate na sponsored ng SMNI) para sulitin ang media exposure sa pag-aakalang mapapataas nito ang kanyang napakababa at sumasadsad na rango sa mga survey.

Sino nga naman kasi ang papayag na manatiling number 2 na lamang, di ba?

Sa usapin ng teenage pregnancy o maagang pagbubuntis, binigyang-diin ni Robredo ang pangangailangang isama ang sex education sa kurikulum ng edukasyon.

Idinagdag niyang dapat magkaroon ang pamahalaan ng “mas conscious na effort” upang matugunan ang problemang ito. Idinagdag rin niya nakinakailangan ng gobyernong kilalanin bilang isang krisis ang tumataas na bilangng teenage pregnancy sa bansa.

Panghuli at bilang paglalangis sa Simbahang Katoliko, binanggit ni Robredo na “kailangan conscious ang effort to enter into partnerships” para diumano ma-institutionalize ang mga programa na magbibigayng tulong o suporta sa mga maagang nagbubuntis.

Hindi ko maiwasang mapansin na parang hilig gamitin ni Robredo ang salitang “conscious” sa kanyang mga pahayag. Napansin ko rin na para sa isangtaong paulit-ulit na gumagamit ng salitang “conscious”, si Robredo mismo ay hindi conscious o walang kamalaymalay sa mga bagay na nagyayari sa paligid niya.

Sa usapin ng sex education, tila hindi batid ni Robredo na noon pang 2012 ay naipasa na ng lehislatura ang Republic Act No. 10354 o Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012.

Ipinaguutos ng batas na ito ang pagtuturo ng reproductive health education para sa mga kabataan.

Higit pa riyan, inatasan ng batas ang Department of Education (DepEd) na bumalangkas ng “age-and development-appropriate reproductive health curriculum” para sa mga pampublikomg paaralan na maaaring gamitin ng mga pribadong paaralan. At dahil nga dito, inilunsad ng DepEd ang Comprehensive Sexuality Education (CSE) K to 12 Curriculum Guide at Department Order No. 31- o ang Policy Guidelines on the Implementation of Comprehensive Sexuality Education, alinsunod sa mga probisyon at direktiba ng RA 10354.

At kung tungkol naman sa pagkilala sa teen pregnancy bilang isang krisis nakailangang tugunan, tila wala ring kaalam-alam si Robredo na si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ay naglabas ng Executive Order 141 na naguutos sa lahat ng sangay ng pamahapaan na bigyang prayoridad ang pagpapatupad ng mga hakbang para matugunan ang maagang pagbubuntis ng kabataang babae at ng mga dalagang ina. Inaatasan rin nito ang lahat mga ahensya ng pamahalan na tukuyin at ipatupad ang mga praktikal na hakbang para maiwasan ang paglaganap ng teenage pregnancy sa bansa, at para na rin makapag-abot ng suporta sa mga maagang nagbubuntis at maging sa mga dalagang ina.

Sa kabila ng lahat ng ito, nakapagtataka kung bakit si Robredo, na ibinibida ng kanyang mga tagasuporta na isang magaling na abogado, ay tila walang kaalam-alam at nananatiling ignorante sa mga bagong mga batas na patungkol o may kaugnayan sa isyu ng kababaihan – isang isyu na dapat ay malapit sa kanyang puso.

Ang isa pang paksang tinalakay ay ang usapin ng katiwalian. Kaugnay nito, binanggit ni Robredo na kapag siya ang maupong pangulo ng bansa, magtatalaga siya ng mga mekanismo na nagsusulong ng transparency tulad ng mga sumusunod:

(a) Full disclosure policy – o ang pagsasapubliko ng lahat ng mga kontratang pinasok ng pamahalaan
(b) Citizen’s charter – na naglalayong masiguro ang pananagutan o accountability ng mga tiwaling empleyado sa mga ahensya ng gobyerno

Muli, ipinamalas ni Robredo ang kanyang hilig sa mga motherhood statements. Ang mas malala dito, ipinamalas na naman ni Robredo ang kanyang pagkalutang dahil ang mga mungkahi niyang mekanismo ay matagal nang umiiral.

Una, hindi na kailangang bumuo o maglabas ng Full Disclosure Policy sa kadahilanang nakasaad na ito sa ating Saligang Batas (Art. II Seksyon 28).

At dahil mismo sa nakasaad na sa patakarang iyon na iniuutos ang pagsisiwalat ng mga pampublikong kontrata, isinabatas ang R.A. 9184 o ang Government Procurement Reform Act o ang Procurement Law kung tawagin. Layunin ng batas na ito ang pagtataguyod ng transparency sa procurement ng pamahalaan at sa pagpapatupad ng mga kontrata nito.

At para masubaybayan ang procurement at pagpapatupad ng mga kontrata, ginawa ang PhilGEPS website kung saan makikita ang lahat ng impormasyonkaugnay sa government procurement.

Sa lagay na ito, ano pa ang silbi ng Full Disclosure Policy naiminumungkahi ni Robredo?

Kung meron man, ito ay magiging restatement lamang ng Art. II Seksyon 28 ng Saligang Batas at Seksyon 3 ng Procurement Law. Ang malala pa nito, gagastos pa ang pamahalaan dahil kakailanganing mag-imprenta at maglabas ng kopya ng full disclosure policy para sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan.

Samantala, ang panukala ni Robredo para sa Citizen’s Charter ay muling nagpapakita na hindi niya alam ang mga umiiral na batas.

Para sa kaalaman natin, ang “Citizens Charter” ay naglalahad ng impormasyon kaugnay sa mga ahensya ng pamahalaan na naghahatid ng frontline services sa mamamayan. Nakasaad dito ang proceso at ang mga fees na kailangang bayaran kaugnay sa mga serbisyo o iba pang mga transaksyon ng mamamayan. Halimbawa ng mga serbisyong ito ay ang pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho mula sa LTO, ang pagkuha ng business permit sa lokal na pamahalaan, o kaya naman ang pagpapatala ng negosyo sa DTI.

Ang hindi alam ni Robredo ay matagal na itong ipinapatupad sa mga tanggapan at ahensya ng pamahalaan.

Noon pang taong 2007 ay naisabatas ang R.A. 9485 o ang Anti-Red Tape Act – kung saan inaatasan ang mga tanggapan ng pamahalaan na may “frontline services” na ilahad at ipaskil ang kani-kanilang mga citizens charter para sa kaalamam nating mga mamamayan.

Kunin nating halimbawa ang LTO na dati ay kilala bilang pugad ng korapsyon – kung saan nga noong dekada 1990 ay napabalitang nagbigay ng driver’s license sa isang aplikanteng bulag.

Kapag bumisita ka sa LTO, sa main office man o sa mga satellite branches nito, sasalubungin ka ng isang billboard kung saan nakalista at nakadetalye ang lahat ng mga frontline services ng ahensya. Maging ang website ng ahensya ay nagbibigay ng link sa internet para mabasa ng mga mamamayang may transaksyon dito.

Kung accountability naman ang pag-uuspan, nakasaad sa RA 9485 na ang pinuno ng bawat ahensya ang may pangunahing responsibilidad at pananagutan sa paghahatid ng serbisyo ng ahensya sa publiko.

Ngunit hindi ito alam ni Robredo.

O kung alam man niya, hindi niya ito sasabihin dahil tulad ng nakasanayan na niyang gawin sa nakalipas na anim na taon, ang gusto niya ay ipamukha sa atin na laging merong deperensya at problema ang pamahalan at tanging siya lamang ang may kakayahang lutasin ang bigyang lunas ang mga ito.

At ginagawa niya ito para lamang makuha ang boto mo.

Sa lagay na ito, bakit mo susuportahan ang isang kandidatong tulad ni Robredo?