Mendoza ininspeksyon mga tanggapan ng LTO na nasalanta ni ‘Carina’

Jun I Legaspi Jul 30, 2024
58 Views

PERSONAL na ininspeksyon ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, Lunes, July 29, ang ilan sa mga tanggapan ng ahensya na naapektuhan ng bagyong “Carina”, kabilang ang Cainta Extension Office sa Rizal na pinaka-apektado ng malawakang pagbaha.

Sa isinagawang inspeksyon, pinuri ni Assec Mendoza ang mga kawani ng LTO para sa kanilang walang kapantay na sakripisyo at dedikasyon sa trabaho, sa kabila ng matinding hamon at pag-abala sa operasyon sa kanilang mga opisina.

Nagkaisa ang mga kawani ng LTO sa malawakang pagsisikap na linisin ang kanilang mga opisina at kunin ang mga mahahalagang dokumento at kagamitan na maaaring pang masalba.

“Matindi ang epekto ng bagyo subalit hindi hadalng ito para sa ating pagkakaisa na mapabilis ang pagsasaayos ng mga kagamitan upang manumbalik sa normal ang ating operasyon, ang ating paglilingod sa ating mga kababayan,” pahayag ni Assec Mendoza.

Bukod sa Cainta Extension Office, binisita rin ni Assec Mendoza ang opisina ng LTO sa San Mateo sa Rizal.

Samantala, pinayuhan ni Assec Mendoza ang lahat ng Regional Directors at mga pinuno ng District Office na maging maunawain sa mga tauhan ng ahensya na lubhang naapektuhan ng bagyong “Carina”.

Kasabay nito, ipinag-utos ni Assec Mendoza ang pag-account ng lahat ng tauhan ng LTO na lubhang naapektuhan ng bagyo at nangako na magbibigay ng tulong sa kanila.

“We are one LTO family, We have to extend understanding to those who could not still report to work due to the effects of ‘Carina’ on them. We also have to help one another in these trying times for them,” ani Assec Mendoza.

Sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime J. Bautista, nangako rin si Assec Mendoza na magbibigay ng kinakailangang suporta para sa pag-pagpapatuloy ng operasyon ng mga naapektuhang opisina ng LTO.

Sa ngayon, sinabi niya na ang lahat ng kliyente ng naapektuhang opisina ng LTO ay maaaring magtungo sa pinakamalapit na opisina ng LTO upang hindi ganap na maparalisa ang serbisyo ng ahensya.