Calendar
Menor de edad binebenta ng P5K para sa sex; ‘bugaw’ huli
Bebot na nagaalok ng ‘sariwang’ bebot timbog; 4 na biktima naligtas
ARESTADO ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Biyernes ang isang babae na umano’y nag-aalok ng mga menor-de- edad na babae para sa sexual encounters sa halagang P5,000 hanggang P10,000.
Nasagip ang apat na menor-de-edad sa operasyon kasabay ng pagkakatimbog sa suspek.
Ang suspek, na nakilalang si alyas Patricia, lumabag sa Anti-Online Sexual Abuse o Exploitation of Children (OSAEC), Trafficking in Persons Act of 2003 at ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na nag-ugat ang operasyon sa impormasyon mula sa Destiny Rescue Pilipinas Inc., isang non-governmental organization (NGO).
Ayon sa tip ng NGO sa NBI, may mga hawak na babae ang suspek at “ibinibenta” sa pamamagitan ng social media mula P5,000 hanggang P10,000 bawat isa.
Nanunuluyan sa condominium na inuupahan ng suspek ang mga bebot.
Nasaksihan ng undercover agent na nag-aalok ng babae si Patricia sa pamamagitan ng surveillance. Tinawagan ng undercover agent si Patricia para sa babae para sa isang party.
Pumayag si Patricia at kalaunan naghatid ng limang babae sa isang condominium unit sa Maynila. Nang maibigay ang markled money, hinuli na ng mga NBI agents ang suspek.