Bugaw

Menor-de-edad nailigtas sa bugaw

Edd Reyes Mar 29, 2025
31 Views

NAILIGTAS ng mga pulis ang menor-de-edad na babaeng estudyante sa kamay ng lalaking nambubugaw sa kanya sa entrapment noong Miyerkules sa Taguig City.

Nadakip ng mga tauhan ni Taguig Police Chief P/Col. Joey Goforth si alyas Gilbert, 36, sa aktong iniaalok ang dalagita sa 19-anyos na testigo para sa panandaliang aliw kapalit ng ibabayad na vape at relo dakong alas-10:20 ng gabi sa Brgy. North Signal.

Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District (SPD) District Director P/BGen. Manuel Abrugena, isinagawa ang operasyon nang maghain ng reklamo sa Women and Children’ Protection Desk (WCPD) ng Taguig police ang nakatatandang kapatid ng biktima na si alyas Eunice.

Nabasa ni Eunice ang palitan ng mensahe ng biktima at suspek na nagde-detalye sa ginagawang pagbebenta ng lalaki sa murang katawan ng dalagita sa kanyang mga parokyano.

Makaraang mailigtas ng pulisya ang high school student na itinago sa alyas Isang, dinala siya sa Social Welfare and Development Office upang doon mapangalagaan.

Kasong paglabag sa RA 10364, o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 ang isinampang kaso ng pulisya laban sa suspek sa Taguig City Prosecutor’s Office.