Valeriano

Mga agri smugglers, hoarders maghuhunos dili na

Mar Rodriguez Sep 29, 2023
162 Views

OPTIMISTIKO ang chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” Valeriano na maaaring maghunos-dili sa kanilang illegal operations ang mga smugglers, hoarders at price manipulators ng mga agricultural products.

Ang pananaw ni Valeriano ay kaugnay sa pagkakapasa kamakailan ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa ng panukalang batas na nagpapataw ng mabigat na kaparusahan laban sa mga smugglers, hoarders at price manipulators ng mga agricultural products.

Binigyang diin ni Valeriano na bilang na aniya ang maliligayang araw ng mga smugglers, hoarders at iba pang sangkot sa cartel na nagpapahirap hindi lamang sa mga mamamayang Pilipino kundi pati na rin sa mga magsasaka.

Nauna rito, mayorya ng mga kongresista ang bumoto pabor sa nasabing panukalang batas matapos itong makakuha ng 289 upang tuluyan ng aprubahan sa Kamara de Representantes ang panukala o ang House Bill No. 9284 o ang Anti-Agi-Fishery Commodities and Tobacco Economic Sabotage Act.

Naniniwala si Valeriano na sa oras na maisabatas ang House Bill No. 9284 ituturing na mabigat na krimen at pananabotahe sa ekonomiya ang smuggling ng bigas at iba pang produktong agrikultura.

Kabilang na sa mga ituturing na “economic sabotage” ang pagpupuslit o smuggling ng tabacco, hoarding at profiteering, cartelizing at iba pang illegal na gawain.

Binigyang diin pa ni Valeriano na kapag tuluyan ng naging batas ang naturang panukala malaki ang maitutulong nito para magkaroon ng sapat abot kayang pagkain para sa mga Pilipino.