Calendar
Mga Alice Guo part 2 ipadeport, no palusot
NANAWAGAN si Sen. Sherwin Gatchalian ng agarang reporma sa sistema ng civil registration ng bansa, kasunod ng pagkakaaresto ng isang babaeng Chinese national na nagpanggap umanong Pilipino sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
“The arrest at NAIA of a female Chinese national pretending to be Filipino is another glaring example of how foreign nationals manipulate our system, much like the case of Alice Guo,” pahayag ni Gatchalian, habang tinukoy ang mga naunang insidente ng identity fraud.
Pinuri rin niya ang mga awtoridad sa matagumpay na operasyon: “Saludo ako sa ating law enforcers sa operasyong ito.”
Gayunman, iginiit ng senador na hindi sapat ang ganitong mga aksiyon kung mananatiling bulnerable ang mga opisyal na rekord ng bansa.
Binigyang-diin niya na ang insidente ay nagpapakita ng “critical vulnerabilities in our national security and civil registration.”
Bilang tugon, muling isinulong ni Gatchalian ang Philippine Civil Registration and Vital Statistics (CRVS) Law—isang panukalang batas na naglalayong palakasin ang integridad ng mga pangunahing dokumentong tulad ng birth, marriage at death certificates.
Layunin nitong hadlangan ang mga peke o mapanlinlang na entry sa sistema.
“To deter similar fraud, I filed the proposed CRVS,” aniya. Dagdag pa niya, kailangang papanagutin ang mga nasa likod ng ganitong panlilinlang: “Dapat silang panagutin at ipadeport, walang palusot.”
Sa gitna ng tumitinding isyu sa identity fraud, binigyang-diin ni Gatchalian na may malawak itong implikasyon—hindi lamang sa integridad ng mga dokumento kundi maging sa seguridad ng halalan, pamamahala at pambansang kaayusan.

