Calendar
Nakulong ng walang kasalanan gustong bigyan ng P10K/buwan
“HUSTISYA para sa mga nakulong ng walang sala.
Nais amyendahan ni Senador Erwin Tulfo ang Republic Act No. 7309 upang itaas ang kompensasyon para sa mga indibidwal na hindi makatarungang na-detain o nakulong. Sa kanyang inihaing panukalang batas, iminungkahi ni Tulfo na itaas mula ₱1,000 patungong ₱10,000 ang buwanang bayad sa mga biktima ng maling pagkakabilanggo.
Para naman sa mga espesyal na kaso, ipinanukala ng senador na itaas ang maximum na maaaring i-claim mula ₱10,000 tungong ₱50,000, o depende sa kabuuang halagang nagastos sa gamutan, pagpapaospital, nawalang kita o suporta—kung alin man ang mas mataas.
Giit ni Tulfo, “Bagaman walang halaga ng pera ang makakabawi sa oras na nawala sa mga biktima ng maling pagkakakulong, isinusulong natin ang mas makataong proseso upang maging mas abot-kamay, maawain, at patas ang katarungan.”
Kasama rin sa panukala ang pagpapalawig ng panahon para makapaghain ng claim mula anim na buwan tungong isang taon mula sa araw ng paglaya ng biktima. Pinalalawak rin nito ang akses sa tulong sa pamamagitan ng pagbibigay-pahintulot sa mga awtorisadong kinatawan na magsumite ng claim sa ngalan ng biktima.
Bukod dito, layunin din ng panukala na linawin ang saklaw ng kompensasyon sa pamamagitan ng malinaw na pagkakaiba ng mga terminong “detained” at “imprisoned” para sa mga napawalang-sala.
Bilang halimbawa ng maling pagkakakulong, binanggit sa panukala ang kaso ni Prudencio Calubid Jr., isang 81-taong-gulang na pinalaya ng Court of Appeals matapos mapagkamalang kasapi ng New People’s Army at makulong sa Manila City Jail.
Ang Republic Act No. 7309, na naisabatas noong 1992, ay nagtatatag ng programang kompensasyon sa ilalim ng Board of Claims ng Department of Justice para sa mga inosenteng nadetene o nakulong.
Ang panukalang ito ay bahagi ng ikatlong hanay ng mga batas na inihain ni Senador Tulfo sa Ika-20 Kongreso.

