ASF

Mga baboy sa Lobo may panlaban na sa ASF

Cory Martinez Oct 6, 2024
56 Views

MALAKAS na ang immunity laban sa African Swine Fever (ASF) ng mga baboy sa Lobo, Batangas 28 araw matapos silang bakunahan ng ASF vaccine base sa blood test ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa mga nabakunahang baboy.

Ayon pa sa test, nagpapakita ng average enzyme-linked immunoassay (ELISA) percentage blocking ng 90 porsyento na indikasyon na nagpapakita sila ng malakas na immunity laban sa ASF.

Ayon kay Agriculture Assistant Secretary for Swine and Poultry Dr. Constante Palabrica batay sa ELISA test, nagkakaroon na ng malakas na immune defense ang mga baboy. Ang ELISA test sinusukat ang level ng antibody na epekto ng pagbabakuna.

“The pigs are reported to be eating well, and their overall condition appears healthy,” ani Palabrica, na personal na sinuri ang mga baboy upang malaman ang kanilang kondisyon.

Kasabay nito, binakunahan na rin ang mga grower pig sa DA International Training Center on Pig Husbandry (ITCPH).

Umaasa ang BAI sa potensyal ng ASF vaccine na binili mula sa Vietnam bilang bahagi ng komprehensibong pagtugon sa pagsawata sa pagkalat pa ng ASF sa bansa.

Kaugnay sa hiling ng mga grupo ng hog farmer at swine industry na ideklara na national emergency ang ASF outbreak, sinabi ni Palabrica na maaari lamang na ideklara ang regional emergency ang ASF outbreak dahil hindi naman malawakan ang outbreak.

Sumulat ang mga naturang grupo kay DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. at hiniling ng mga ito na kumbinsihin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ideklara ang kasalukuyang ASF outbreak na isang national emergency upang magamit na ang emergency use authorization (EUA) para sa ASF vaccine.

“We will study their request, which would allow greater access to the ASF vaccine for backyard piggeries,” ani Tiu Laurel.

Iginiit ng mga grupo na aasahang mababakunahan ang may 6.3 milyon na biik at fattener kapag pinayagan ang paggamit ng EUA.

Dahil dito, makikinabang pareho ang mga commercial at backyard hog raiser at makakatulong sa lubos na pagbawi ng industriya ng pagbababoy.