BBM1

Mga bagong miyembro ng BTA nanumpa kay PBBM

238 Views

PINANGASIWAAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) noong Biyernes, Agosto 12.

Kasabay nito ay ibinigay ni Marcos ang kanyang suporta sa BTA na nagsisilbing interim government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Batid umano ni Marcos ang kahalagahan ng BTA na nahaharap sa malaking trabaho na dapat nitong matapos sa loob ng susunod na tatlong taon kasama na ang pagbalangkas ng batas hanggang sa pagsasagawa ng eleksyon para sa mga magiging opisyal ng BARMM.

“Such important laws to be passed in three years is not an easy task, and that’s why I will be here as head of the national government to support BARMM,” sabi ni Marcos sa seremonyang isinagawa sa Malacañang.

Sinabi ni Marcos na hindi na magkakaroon ng extension ang pagtatrabaho ng BTA hanggang sa 2025 alinsunod sa Republic Act No. 11593.

Binigyan-diin ni Marcos ang kahalagahan na mabigyan ng boses at marinig ang panig ng lahat ng sektor na may kaugnayan sa itatayong BARMM.

“But I’m confident because I have seen the list of the new appointees, the new members, and I believe that everyone has come on to be part of this process with a sincere desire to get BARMM back into the normal fold of life in the Philippines,” dagdag pa ng Pangulo.

Ang BTA ay mayroong 80 miyembro.