Calendar
Ang dump truck na umararo sa mga kabahayan at mga sasakyan, na dahil sa lakas ng pagsalpok nito ay nasunog ang mga sasakyan.
Mga kuha ni GEMI FORMARAN
Mga bahay, sasakyan inararo ng dump truck; 4 patay, 7 sugatan
LUCENA CITY – Apat ang nasawi at pito ang nasugatan habang limang sasakyan naman ang nasunog at ilang kabahayan ang nawasak matapos araruhin ng rumaragasang dump truck sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Isabang, sa lunsod na ito noong Sabado ng gabi.
Nakilala ang mga nasawi na sina Sherwin Dela Cruz, 41-anyos at taga- Brgy. Ibabang Dupay; Roldan Ranillo ng Brgy. Mayao Silangan, 37-anyos; Mark Panuelas ng Brgy. Isabang, pawang sa lunsod na ito; at si William Lorilla ng Kiwalo, Daraga, Albay, 34-anyos, na siyang drayber ng trak.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, napag-alaman na naganap ang insidente dakong 11:30 ng gabi habang ang truck ay mabilis na tumatahak sa nasabing highway.
Hinihinala na nawalan ito ng preno kung kaya pagsapit sa intersection ay biglang umahon ang kanang gulong nito sa ibabaw ng gutter at inararo ang anim na sasakyan, kabilang ang isang tricycle na nakaparada, at nagtuloy-tuloy pa ito sa tatlong kabahayan kung saan may tatlong sasakyan ang nakaparada.
Sa lakas ng pagsalpok nito, nagliyab ang unang tatlong sasakyan at tuluyang nasunog at nadamay din ang sumunod pang dalawang sasakyan.
Bukod sa drayber ng trak, dalawa sa mga nasawi ay kapuwa sakay sa tricycle, samantalang ang isa ay nasa loob ng mga bahay na kasama ng mga nasugatan.
Mabilis namang nagresponde ang mga bumbero at kapulisan na kaagad ding nagsagawa ng crowd control and security sa perimeter habang inaapula ang apoy.
Kasunod noon ay mabilis na isinagawa ang search and rescue operation sa loob ng mga kabahayan at isinugod ang mga sugatan sa pagamutan. Nina GEMI FORMARAN & GIL AMAN

