Pangilinan

Pagpatay sa ex-NIA legal researcher kinondena

344 Views

MARIING kinondena ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, na pinamumunuan ang Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, ang pagpatay kay Niruh Kyle Antatico, 40, dating senior legal researcher ng National Irrigation Administration (NIA) Region 10, na binaril sa Cagayan de Oro City nitong Biyernes.

Nanawagan si Pangilinan sa mga awtoridad na agarang tukuyin at arestuhin ang salarin, dahil aniya, bawat araw na lumilipas nang walang hustisya ay “lalong nagpapahina sa tiwala ng mamamayan sa pamahalaan.”

“Ang tanging kasalanan ni Antatico ay ang magsalita ng katotohanan,” pahayag ng senador, na nagsabing naglantad umano ang biktima ng iregularidad sa paggamit ng pondo para sa mga magsasaka. “Ninanakawan na ang taumbayan, papatayin pa,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Pangilinan na patuloy na babantayan ng kanyang tanggapan ang kaso at hihilingin ang pananagutan ng mga opisyal ng mga ahensiyang may kinalaman sa mga programa ng agrikultura, kabilang ang NIA na nangangasiwa sa mga proyekto ng irigasyon sa buong bansa.

Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang detalye hinggil sa motibo o mga posibleng suspek sa pamamaril. Ayon sa pulisya, nagpapatuloy ang imbestigasyon.