Annual Report

Mga banyaga sa PH dapat kumpletuhin ’25 annual report–BI

Jun I Legaspi Feb 28, 2025
16 Views

NAGPAALALA ang Bureau of Immigration (BI) sa lahat ng rehistradong banyaga sa Pilipinas na kumpletuhin ang kanilang 2025 annual report bago ang deadline sa Marso 1.

Magagawa ito sa pamamagitan ng online system na bahagi ng mga pagsisikap ng gobyerno sa digital na transpormasyon.

Ang inisyatibong ito ayon ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing moderno ang mga serbisyo ng gobyerno upang matiyak ang mas epektibo at madaling proseso para sa mga banyagang mamamayan.

Pinapayagan ng online na plataporma ng BI ang mga nagparehistro na tuparin ang kanilang obligasyon nang hindi na kailangan pang dumaan sa pisikal na proseso.

Umaabot na sa 122,473 ang banyagang mamamayan ang nakatapos na ng kanilang annual report noong Pebrero 20.

Ayon sa batas ng Pilipinas, lahat ng rehistradong banyagang mamamayan—kasama ang mga nagtatrabaho, naninirahan, at nag-aaral sa bansa— kailangang kumpletuhin ang annual report upang i-update ang kanilang rekord sa BI.

Itinampok ni BI Alien Registration Division Chief Atty. Jose Carlitos Licas, Jr. ang mga pagpapabuti sa sistema, partikular na ang pinahusay na online portal ng BI sa e-services.immigration.gov.ph na nag-aalok ng maayos at madaling gamitin na karanasan para sa mga nagparehistro.

Para sa mga nais mag-ulat nang personal, isinasagawa ang pisikal na Annual Report sa head office ng BI sa Manila sa 4th Level Center Atrium ng Robinsons Manila at sa Government Service Express (GSE) Unit ng SM Mall of Asia mula Lunes hanggang Biyernes.

“Sa mabilis na paglapit ng deadline, hinihikayat namin ang mga rehistradong banyagang mamamayan na samantalahin ang pinadaling online system upang maiwasan ang mahahabang pila at huling minutong abala,” sabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.