Kapunan

Mga biyahe ni VP Sara sa ibang bansa, maaaring silipin sa usapin ng ‘unexplained wealth’ — prosekusyon

36 Views

MAAARING isailalim sa pagsusuri ng House prosecution panel ang mga biyahe ni Vice President Sara Z. Duterte sa ibang bansa bilang bahagi ng pagtalakay sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman (unexplained wealth) sa kanyang impeachment trial.

Ayon kay Lorna Kapunan, abogado ng panel ng mga tagausig ng Kamara, maaaring ikumpara ang idineklarang kita, mga ari-arian, at negosyo ng pamilya ni Duterte sa personal na pondong sinasabi niyang ginagamit niya para sa kanyang mga overseas trip.

“Kung sinasabi niyang personal funds ang ginagamit niya, paano ang mga biyahe niya sa The Hague, Europe, Middle East, at iba pang lugar? Ngayon, sa Asia naman, marami rin siyang pinupuntahan,” ani Kapunan sa isang online press briefing noong Miyerkules.

Dagdag pa niya, maaaring maging bahagi ito ng susunod na yugto ng paglilitis.

“Madam Vice President, baka iyan na ang unexplained wealth mo. Iyan ang susunod nating artikulo,” ani Kapunan.

Naglabas ng pahayag si Kapunan kasunod ng kontrobersiya sa nakanselang personal na biyahe ni Duterte sa Japan.

Matagal nang iginiit ng Bise Presidente na ginagamit niya ang sariling pera para sa kanyang mga personal na paglalakbay sa ibang bansa, habang ang gastusin para sa kanyang security personnel ay maaaring sagutin ng gobyerno.

Ayon kay Kapunan, mahalagang suriin ang pinagmulan ng naturang personal funds kaugnay ng Article II ng Articles of Impeachment, kung saan inaakusahan si Duterte ng pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman at kabiguang maayos na ideklara ang kanyang mga ari-arian.

Tinukoy ni Kapunan ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) bilang batayan sa pagsusuri kung tugma ang kita at ari-arian ng isang opisyal sa kanyang mga gastusin.

Samantala, kasalukuyang nakatuon ang House prosecutors sa Article I ng impeachment complaint na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit at hindi regular na liquidation ng P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.

Inaasahang tututukan ng Article II ang mga rekord pinansyal, ari-arian, at pinagmumulan ng yaman ni Duterte upang malaman kung ito ay naaayon sa kanyang idineklarang kita.

Sinabi ni Kapunan na maaaring maging mahalagang bahagi ng susunod na yugto ng impeachment proceedings ang mga pahayag ni Duterte tungkol sa kanyang personal na gastusin sa mga biyahe.