Mga bumbero ikakalat ng BFP sa mga sementeryo

Arlene Rivera Oct 29, 2023
188 Views

IKAKALAT ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang may 1,000 tauhan nito upang magbigay ng emergency assistance sa may 66 sementeryo sa Metro Manila.

Ayon kay BFP-NCR assistant regional director Senior Supt. Rodrigo Reyes kinikilala ng ahensya ang pangangailangan na magkaroon ng emergency response system sa mga lugar kung saan dumadagsa ang maraming tao.

“Kami po’y nagpapatupad po ng tinatawag po nating FAST – ito po iyong First Aid Service Team po ‘no wherein 66 locations po within Metro Manila po ang naka-deploy po sa atin ngayon for medical assistance po. Mayroon po tayong mga EMS po sa bawat sementeryo ngayon na, in case may nahilo o may na-high blood, mayroon po tayong agad na personnel po sa 66 identified cemeteries po,” saad ng opisyal.

Ang mga ipakakalat umano na tauhan ng BFP ay mayroong pagsasanay para makapagbigay ng emergency medical response.

“Mga registered nurse po sila so talagang dumaan po sila sa mga trainings po like iyong mga EMT, paramedics so highly-trained po talaga ang ating mga nakasakay po sa ambulance po natin,” sabi ng opisyal.

“Mayroon po kaming ‘Oplan Ligtas na Pamayanan,’ iyong mga ‘Firetruck on the Road’ po… talagang umiikot po kami, nagbabahay-bahay po kami ngayon; aside po sa school, sa mga matataong lugar po, sa palengke namimigay po kami ng flyers,” anito.

Ang Oplan Ligtas Pamayanan ay isang information dissemination effort ng BFP na naglalayong bawasan ang mga insidente ng sunog sa bansa.

Nanawagan si Reyes sa mga pamilya na tiyakin na hindi magiging sanhi ng sunog ang mga kandila na kanilang sisindihan para sa Undas.

“Ang aming pagpapaalala po sa ating mga kababayan na kung maglalagay po ng kandila sa panahon ng Undas, better po na sa labas na lang po ng bahay na nakalagay po sa stainless na lalagyan na may kasamang tubig na po,” wika pa nito.