Calendar
Mga ginintuang asal na ipinamalas sa buwan ng Ramadan isabuhay — Marcos
NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga Pilipino na isabuhay ang mga ginintuang asal ng malasakit, kababaang-loob, pagtitiyaga, at kawanggawa na ipinamalas sa banal na buwan ng Ramadan habang ipinagdiriwang ng bansa ang Eid’l Fitr ngayong Sabado.
Sa kanyang mensahe, nakisaya si Pangulong Marcos sa mga Muslim na Pilipino sa pagdiriwang ng kanyang inilarawan bilang isang “mataimtim at masayang” okasyon, kinikilala ang Ramadan bilang panahon ng panalangin, pag-aayuno, pagninilay, at pagbibigayan.
“Ipinapaalala nito sa atin na ang pinakamalalim na kagalakan ay kadalasang bunga ng sakripisyo, at ang disiplina sa pananampalataya ay nagpapalakas hindi lamang sa indibidwal kundi sa buong komunidad,” ani ng Pangulo.
Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo na ang disiplina at sakripisyong isinagawa sa banal na buwan ay hindi dapat magtapos sa pagtatapos ng pag-aayuno, kundi dapat magpatuloy upang gabayan ang mga indibidwal at komunidad.
“Ang mga birtud na hinubog sa banal na buwang ito—malasakit, kababaang-loob, pagtitiyaga, at kawanggawa—ay hindi dapat magtapos sa pagwawakas ng pag-aayuno. Dapat itong umabot lampas sa sarili. Dapat nitong patatagin ang mga pamilya, ibalik ang pag-asa sa mga komunidad, at ipaalala sa atin na ang isang bansa ay binubuo hindi lamang ng mga batas at institusyon, kundi ng mga taong pinipiling maging mabuti, responsable, at may pagkakaisa sa isa’t isa,” ani ni Pangulong Marcos.
Kinilala rin ni Pangulong Marcos ang halimbawang ipinapakita ng mga Muslim na Pilipino, na binanggit ang kanilang tahimik na pagkakawanggawa, katatagan sa panahon ng pagsubok, at matatag na pakiramdam ng tungkulin.
“Nakikita natin ito sa tahimik na katapatan sa tungkulin kahit walang nakakakita. Ito ang mga birtud na nagpapanatili ng kapayapaan sa ating mga pamayanan, nagpapatibay ng tiwala sa ating mga komunidad, at nagpapanatili ng pag-asa sa mahihirap na panahon. Kaya naman, sa paggunita sa araw na ito, pinapahalagahan din natin ang isang tradisyon ng matibay na moralidad na tumutulong upang manatiling makatao, nagkakaisa, at karapat-dapat sa mithiin ng mamamayan ang ating bansa,” dagdag ng Pangulo.
Ipinahayag ng Pangulo ang pag-asa na ang Eid’l Fitr ay magdulot ng ginhawa sa mga nahaharap sa mga pagsubok, panibagong lakas sa mga naglilingkod, at kagalakan sa bawat tahanang Pilipino.
“Nawa’y mapalalim nito ang pag-unawa sa iba’t ibang pananampalataya at kultura at patuloy tayong pag-isahin sa iisang hangarin na bumuo ng isang Bagong Pilipinas kung saan iginagalang ang dignidad, umaabot ang oportunidad sa bawat Pilipino, at namamayani ang kapayapaan sa pamamagitan ng katarungan at paggalang sa isa’t isa,” pagtatapos ni Pangulong Marcos.
Idineklara ni Pangulong Marcos ang Marso 20, 2026 bilang isang regular na holiday sa buong bansa sa pamamagitan ng Proclamation No. 1189 upang markahan ang Eid’l Fitr, ang pagtatapos ng Ramadan.
Gayunman, inanunsyo ng Bangsamoro Darul-Ifta’ noong Huwebes ng gabi na hindi namataan ang gasuklay na buwan, kaya’t itinakda ng mga Muslim sa bansa ang pagdiriwang ng Eid’l Fitr sa Marso 21.

