NCRPO Chief

Mga kawatan ginagamit pangalan ni Abrahano para manghingi ng pera

Edd Reyes Sep 19, 2026
128 Views

BINALAAN ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano ang publiko hinggil sa natuklasan niyang paggamit sa kanyang pangalan ng ilang indibiduwal na layong makapangalap ng salapi.

Sa kanyang inilabas na abiso, mariing inihayag ng opisyal na hindi kailanman siya nagsasabi o nag-uutos kaninuman na padalhan siya ng salapi, magdeposito sa kanyang bank account o i-transfer sa kanyang e-wallet.

Sinuman aniyang makatanggap ng mensahe ng pangangalap ng salapi, gamit ang messaging apps at iba pang online platforms na sinasabing galing sa kanya ay huwag kaagad magpadala ng salapi o ibigay ng personal o pinansiyal na impormasyon at iwasang ding makipag-usap sa nagpadala ng mensahe.

Hinimok din niya ang makakatanggap ng bogus na mensahe na suriin itong mabuti sa pamamagitan ng opisyal na daanan ng komunikasyon at i-repot kaagad sa kinauukulan.

Napagalaman na gumagawa na ng hakbang ang lahat ng distrito ng pulisya sa Kamaynilaan upang matukoy ang pinanggagalingan ng mensahe ng pangingikil gamit ang pangalan ng NCRPO chief.