Kotong

Nanghingi ng P10M sa kumpanya kapalit pagbura ng dokumento tiklo

Jon-jon Reyes Sep 19, 2026
105 Views

NATIMBOG ng National Bureau of Investigation-Cybercrime Division (NBI-CCD), sa pamumuno ni Director Atty. Melvin Matibag, ang suspek sa kasong robbery with violence against or intimidation of persons sa Quezon City.

Kasama sa kaso ng suspek ang paglabag sa RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012); illegal access; at unauthorized processing of personal information and sensitive personal information na paglabag sa RA 10173 (Data Privacy Act of 2012).

Ayon sa biktima ng kinatawan ng isang kompanya, nakipag-ugnayan ang suspek sa kanilang tanggapan at sinabing hawak nito ang malaking bahagi ng sensitibong impormasyon ng kanilang mga kliyente.

Nagbanta ang suspek na isisiwalat ang data at humingi ng “ransom” na na P1 milyon hanggang P10 milyon kapalit ng pagbura at hindi pagsisiwalat ng mga dokumento.

Sinuri ng kumpanya ang mga impormasyong ipinadala ng suspek at natuklasang totoo ang mga sinasabi nito.

Nakipagkita ang suspek sa complainant sa isang coffee shop sa Quezon City upang kunin ang hinihinging pera.

Matapos maabot ang marked money sa suspek, inaresto na ng mga awtoridad. Isinailalim sa inquest ang suspek sa Quezon City Office of the City Prosecutor.

Binigyang-diin ni Matibag ang mandato ng NBI sa paglaban sa cybercrimes.