Calendar

Mga lider ng Kamara kumpiyansang SC papabor sa impeachment laban kay VP Duterte
KUMPIYANSA ang dalawang lider ng Kamara de Representantes na papanigan ng Korte Suprema ang legalidad ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, kasabay ng paggiit na mahigpit ang naging pagsunod ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa due process sa ginawa nitong pag-endorso sa reklamo.
“Well, everything was well in the process naman po, nasa proseso lahat po ‘yan,” ani Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union.
“Confidently, I can say na wala pong nilabag ang HOR o kung anuman ang nababato or minsan nga parang counter na lang ‘yun eh, para lang may, ma-delay po ‘yung mga proceedings,” dagdag ni Ortega.
Pinabulaanan niya ang mga alegasyon na may nilabag na proseso ang Kamara, binigyang-diin na anumang hamon sa impeachment ay isang estratehiya lamang upang maantala ang proseso.
“Confident po ako na hindi naman po magiging hadlang ang mga ito sa impeachment,” aniya.
Samantala, sinang-ayunan ito ni House Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales, na iginiit na isinagawa ang impeachment process nang may ganap na pagsunod sa mga legal na pangangailangan at alituntunin ng Saligang Batas.
“Siyempre, we leave it up to the decision ng ating SecGen,” sagot ni Khonghun nang tanungin kung tumugon na ang Kamara sa SC.
“Nakita naman natin na talagang maingat na sinunod ng Kongreso ang proseso at talagang tiningnan ito ng maayos, pinag-aralan ng maayos kung papano gagawin at susundin ang mga batas patungkol sa impeachment complaint,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ni Khonghun na mukhang sinasadyang pinatatagal ng kampo ng bise presidente ang impeachment process gamit ang mga legal na hakbangin.
“Tingin ko isa rin ito sa mga delaying tactics ng kampo ng ating Bise-Presidente,” aniya.
“Para at least patagalin o harangin ‘yung ating sinasagawang impeachment complaint dahil nakita naman natin na talagang napakahirap ipaliwanag no, ‘yung mga nangyari sa korte, sa impeachment trial,” pahayag ng solon.
Dagdag pa niya, ilalantad ng impeachment trial ang iba’t ibang umano’y iregularidad sa opisina ng bise presidente, partikular sa Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President (OVP).
“Napakahirap ipaliwanag lalong lalo na ‘yung mga kakulangan no, at saka mga nagawang kalokohan doon sa kaniyang ah, opisina sa DepEd at saka sa Office of the Vice President,” aniya.
Samantala, binalikan ni Ortega ang naunang hamon ni Duterte sa kanyang mga kritiko na i-impeach siya, ngunit kalaunan ay kinuwestiyon naman ng kanyang kampo ang legalidad ng proseso.
“Tapos ‘yung mga presscon po noon ng ating Bise Presidente, sinasabi nga niya po na i-impeach niyo na lang ako para I can defend myself para malagay po sa tamang ah, ang tawag dito mailagay po sa tamang konteksto para mapagtanggol niya ang sarili niya,” sabi ni Ortega.
Gayunpaman, sa halip na harapin ang impeachment trial, patuloy umanong naghahain ng mga mosyon at hadlang ang legal team ng bise presidente.
“Pero here comes the impeachment pero nagsa-submit lang sila ng kanilang katanungan at ah, may kaukulang pagharang po sa mismong impeachment proceedings,” aniya.
Iginiit ni Ortega na taliwas ito sa mga naunang pahayag ng bise presidente at nagpapakita lamang ng kawalan ng kagustuhang humarap sa pananagutan.
“So parang nag-collapse po ‘yung mga statements nila sa sarili nilang previous statements din gaya nga po ng mga history na would say na ganoon po ang mga usual na sinasabi nila,” dagdag niya.