Marianito Augustin

Mga magle-lechon sa La Loma QC unti-unti ng nakakabangon matapos ang 2 taong pandemiya

198 Views

PAGKATAPOS ng dalawang taong pamumuksa ng COVID-19 pandemic sa bansa. Muling nasaksihan ng publiko ang tradisyunal na “lechon festival” sa La Loma Quezon City o ang taunang parada ng mga lechon na artistikong dinesenyuhan ng mga may-ari ng lechonan sa nasabing lugar.

Dinaluhan ng inyong lingkod ang okasyong ito noong nakaraang Linggo (May 21) sa paanyaya ng Quezon City Public Information Office (QC-PIO) na dinaluhan ng ating butihing Mayor na si Josefina “Joy” Belmonte. Kung saan, nakapanayam natin mismo ang may-ari ng sikat na Ping-Ping lechon na si Ginoong William Chua.

Sinabi ni Mr. Chua na ang isa sa mga “highlights” ng taunang Lechon Festival ay ang parada ng tinatayang nasa 100 lechon na mayroong kaniya-kaniyang “art design” batay sa ginawang preparasyon ng mga magle-lechon bilang pagpapasalamat narin sa kanilang parton na si Nuestra Senor de Salvacion.

Noong kasagsagan ng pandemiya, ang pagle-lechon o lechon business ang isa sa mga malubhang tinamaan o naapektuhan ng lockdown. Sapagkat maraming negosyo ang napilitang magsara dahil halos lahat ng mamamayan ay nakakulong sa bahay o naka-quarantine kaya lugi ang negosyong ito.

Subalit sinabi ni Ginoong Chua na noong panahon ng lockdown, kahit papaano ay kumikita parin naman sila hindi nga lamang kasing lakas gaya ng dati. Ayon sa kaniya, nakakabenta sila paunti-unti sa pamamagitan ng pegbebenta nila ng per kilo sa kanilang mga parokyano.

Napag-alaman pa natin na noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic ay halos nasa 10% lamang ang kanilang ganansiya o kita mas mababa kumpara noong mga panahong tahimik ang buhay natin o walang pandemiya. Subalit kahit papaano aniya ay nakakabawi-bawi na sila at umabot na sa 50% ang kanilang sales o benta.

Ganyan naman talaga ang negosyo, tiyagaan lang. Kung hindi ka matiyaga gaya ni Mr. Chua, walang mangyayari sayo. Ang pagne-negosyo ay kailangang samahan mo ng sakripisyo, pagtitiyaga at taimtim na pananalangin. Sapagkat sa bandang huli ay pagpapalain ka sa iyong negosyo kung may pananalig ka kay Lord.

Ganito ang nais ipahiwatig ni Mr. Chua sa panayam ko sa kaniya, dahil kung hindi siya matiyaga eh sana’y matagal ng nagsara ang kaniyang negosyo na kilalang-kilala sa buong Pilipinas. Ang kasabihan nga, kung wala kang tiyaga, wala kang nilaga. Pero para kay Mr. Chua, kung wala kang tiyaga, wala kang lechon. Hehehe.

Pagbubukas ng proyekto ni Congressman Frasco na Pier88 sa Liloan Cebu malaking kaginhawahan para sa mga Cebuano

MAGBUBUKAS na sa katapusan ng buwan ang Liloan Port o Pier88 na proyektong isinulong ni House Deputy Speaker at Cebu City 5th Dist. Congressman Vincent Franco “Duke” D. Frasco na malaki ang magiging pakinabang sa publiko o commuters mula sa lalawigan ng Bohol, Camotes Islands, Leyte at Cebu City.

Sinabi ng kongresista na na unang binalangkas ang proyekto ng Pier88 noong 2015 sa kaniyang huling termino bilang Mayor ng Liloan at inaprubahan naman ito noong 2017 nang siya naman ay Commissioner ng Cebu Port Authority at nagkaroon ng groundbreaking ceremony noong October 22, 2019.

Ayon kay Frasco, ang Pier88 ay isang “development project” na pinanday at binuo sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan o nabuong partnership sa pagitan ng Municipality ng Liloan, Pier88 Ventures Inc., Topline Group of Companies at FL Port Management Corporation.

Idinagdag pa ng mambabatas na na puspusan ang kaniyang naging pagsisikap para maisakatuparan ang naturang proyekto upang mas mailapit nito ang bayan ng Liloan sa iba pang pantalan sa Visayas tulad ng Bohol, Camotes Islands at Leyte sa pamamagitan ng biyahe ng mga barkong dadaong dito.

Nabatid pa kay Frasco na layunin din ng Pier88 na maibsan ang matinding trapiko sa sentro ng Cebu City partikular na sa bayan ng Consolacion at Mandaue City sa pamamagitan ng pagkakaroon ng alternatibong transportasyon sa tulong ng “sea transport” mula Liloan papuntang Mactan at Cebu City.

Binigyang diin nito na malaking benepisyo ang maibibigay ng Pier88 para sa mga residente ng Cebu City na pumapasok sa kani-kanilang trabaho sapagkat mababawasan dito ang “travel time” patungko sa kanilang pinapasukan sa mga bayan ng Mandaue, Lapu-Lapu at Cebu.

“Not only will passengers be relieved of the stress and anxiety due to traffic. They will be able to relax knowing departure and arrival times are more certain while they take in the fresh sea breeze while aboard the ferries. Once they arrive in Mactan island or Cebu City, the passengers are just walking distance to the MEPZ and downtown Cebu City,” ayon kay Frasco.

Sinabi din ng mambabatas na ang pagbubukas ng Pier88 ay itinuturing na “economic gateway” o daan patungo sa mas lalo pang pag-unlad ng ekonomiya ng bayan ng Liloan dahil sa napakaraming oportunidad na maibibigay aniya nito para sa mga taga Cebu City tulad ng pagkakaroon ng mga trabaho at negosyo.