OVP Kinuwestyon nina House Committee on Good Government Chairman Rep. Joel Chua aT Vice Chairman Rep. Romeo Acop si Atty. Gloria Camora, Commission on Audit (COA) Intelligence and Confidential Funds Audit Officer, tungkol sa paggamit ng OVP ng confidential funds Huwebes ng umaga. Kuha ni VER NOVENO

Mga mambabatas nagulantang sa P16M gastos ng OVP sa 11 araw

87 Views

OVP1OVP2NAGULANTANG ang mga mambabatas sa paggamit umano ng Office of the Vice President (OVP) ng P16 milyon mula sa confidential at intelligence funds (CIFs) para umarkila ng 34 na safehouse sa loob lamang ng 11 araw noong huling bahagi ng 2022.

Isang safehouse ang nagkakahalaga ng halos P91,000 kada araw—mas mataas pa sa rates ng mga high-end resorts tulad ng Shangri-La Boracay.

Sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte, gumastos ang OVP ng kaparehong halagang P16 milyon para sa renta ng safehouses sa unang at ikalawang quarter ng 2023, ngunit may mas mahahabang panahon ng pag-upa kumpara sa 11 araw noong fourth quarter ng 2022.

Noong third quarter ng 2023, gumastos ang OVP ng P5 milyon para sa safehouse rentals na sumasaklaw sa 79 na araw, dahilan para umabot sa P53 milyon ang kabuuang gastos para sa lahat ng apat na quarter.

Ang mga nakababahalang detalye ay lumutang sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability, kilala rin bilang counterpart ng Senate Blue Ribbon Committee, sa umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo ng publiko ng OVP at Department of Education (DepEd) na parehong pinamumunuan ni Vice President Duterte.

Ayon sa mga record, nagbayad ang OVP ng P16 milyon para sa pag-upa ng 34 na safehouses, na may halaga mula P250,000 hanggang P1 milyon sa bawat may-ari mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022.

Itong mga bayad sa renta ay nakasaad sa liquidation report na isinumite ng OVP sa Commission on Audit (COA) upang patunayan ang paggamit ng kabuuang P125 milyon sa CIFs sa loob lamang ng 11 araw.

Subalit, ang mga paggastos na ito ay binigyang-katwiran gamit ang mga acknowledgment receipts na hindi pirmado, halos di mabasa, walang pangalan, o may lagda lang ng mga tumanggap. Kulang din ang mga resibo sa mga kaugnay na dokumento tulad ng mga lease contracts o iba pang mahahalagang records.

Pinuna ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chair ng komite, ang uri ng mga safehouse na inupahan, tinatanong kung ang mga ito ba ay mga marangyang ari-arian na may mga amenities na karaniwang nakikita sa high-end resorts tulad ng Shangri-La Boracay, kung saan ang isang gabi ay nagkakahalaga lamang ng humigit-kumulang P25,000.

Ikinumpara rin ni Chua ang presyo ng renta sa mga presyo sa Bonifacio Global City sa Taguig, na karaniwan ay nasa P90,000 kada buwan, mas mababa kumpara sa P91,000 kada araw na binayaran ng OVP.

Walang kinatawan mula sa OVP ang dumalo sa pagdinig, kaya’t ang mga mambabatas ay nagtanong kay Atty. Gloria Camora, team leader ng COA unit na nag-audit sa CIFs ng OVP noong 2023.

“Hindi po ba kayo nagtaka kung bakit ganoon kamahal? Wala po kayong information kung gaano kalaki ang building (safehouse)?” tanong ni Chua.

Sumagot si Camora na walang detalyadong impormasyon ang audit team tungkol sa laki o lokasyon ng mga inupahang property.

Sa interpellation ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop, sinabi ni Camora na ang mga transaksyon kaugnay ng bayad sa renta ng safehouses ay sumusunod sa mga dokumentaryong kinakailangan na nakasaad sa COA joint circular sa paggamit ng CIFs, kabilang ang mga questioned acknowledgment receipts.

Nagpahayag ng pagkadismaya si Acop sa paliwanag ni Camora na umaasa lamang ang COA sa dokumentaryong ebidensya ng pagbabayad, at walang paraan para ma-verify ang pagiging totoo ng impormasyon sa mga acknowledgment receipts.

“So, walang paraan ang COA para malaman kung gawa-gawa lang ang mga acknowledgment receipts na sinubmit? Would my statement be correct?,” tanong ni Acop, na sinagot ni Camora ng “Yes, Mr. Chair.”

Sa kanyang interpellation, binigyang-diin ni Manila 1st District Rep. Ernesto “Ernix” Dionisio Jr. ang mga pagkakaiba sa paggastos ng OVP sa safehouse rentals sa pagitan ng fourth quarter ng 2022 at unang tatlong quarters ng 2023.

Kinuwestiyon ni Dionisio si Camora tungkol sa P16 milyon gastos ng OVP para sa 11 araw lamang ng renta noong fourth quarter ng 2022, at umamin si Camora, “Steep nga po lalo na po ‘yung sa 2022 since 11 days lang po siya,” na kinikilala ang sobrang taas ng paggastos.

Lumipat naman si Dionisio sa unang tatlong quarters ng 2023, kung saan kinumpirma ni Camora na gumastos ang OVP ng P16 milyon bawat isa sa unang at ikalawang quarters, sumasaklaw sa 53 araw at 67 araw, ayon sa pagkakasunod.

“Mathematics lang eh —11 days versus 53 days,” ani Dionisio, na tinatanong kung bakit parehong halaga ng P16 milyon ang ginastos sa magkaibang haba ng panahon.

Sa third quarter ng 2023, kinumpirma ni Camora na gumastos ang OVP ng P5 milyon para sa 79 na araw.

“Hindi po ba na parang nakakapagtaka na 5 million [pesos] napagkasya sa 79 days tapos medyo extreme kumpara sa quarter 4 ng 2022 na 16 million for 11 days?” obserba ni Dionisio.

Sumang-ayon si Camora na hindi pangkaraniwan ang paggastos noong 2022. “Pwede pong ganoon, Sir, na extremely malaki ‘yung gastos nung 2022,” ani Camora.

Ipinunto ni Dionisio ang pangangailangan ng mas mahigpit na oversight. “That’s the reason why importante itong Committee ng Blue Ribbon, in aid of legislation, so we can craft laws to prevent this from happening again,” ani Dionisio, nananawagan ng bagong batas para mas maprotektahan ang pondo ng publiko.