Calendar
Mga miyembro ng TBS na sangkot sa mga krimen tinutugis — NCRPO
INIUTOS ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Director P/BGen. Christopher Abrahano ang pagpapaigting sa pagtugis sa mga miyembro ng grupong “True Brown Style” (TBS) sa sangkot sa kriminal na aktibidad sa Metro Manila.
Ang utos ni BGen. Abrahano ay alinsunod sa direktiba ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na naglarawan sa TBS bilang isang matagal nang umiiral na organisasyon na nagmula pa sa Estados Unidos na kalaunan ay binuo at ginaya na rin sa Pilipinas.
Nauna nang sinabi ni Secretary Remulla na iniuugnay ang grupo sa mga kriminal na aktibidad, kabilang ang umano’y pagnanakaw sa mga convenience store bilang bahagi ng initiation ng mga miyembro nito.
Nakababahala aniya ang ulat na hinuhubog at hinihikayat pa ng mga nasa hustong gulang ng kabataan na miyembro ng grupo ang mga teenager na may edad na 14 hanggang 15 upang gawing mga kriminal.
Inatasan na ni BGen. Abrahano ang lahat ng district director at mga kinauukulang police unit na palakasin ang intelligence gathering, koordinasyon at mga police operation upang matukoy ang mga miyembro ng grupo, alamin ang kanilang mga aktibidad, at mapigilan ang patuloy na pangangalap ng miyembro.
Pinalalakas din ng NCRPO ang pangangalap ng impormasyon at pakikipag-ugnayan sa mga komunidad sa mga lugar kung saan maaaring matukoy ang mga pinaghihinalaang miyembro o aktibidad na may kaugnayan sa TBS.
Nanawagan din siya sa mga magulang, lider ng komunidad at mga residente na agad ireport sa pulisya ang anumang impormasyon hinggil sa recruitment ng mga menor de edad o iba pang kriminal na aktibidad.

