Rubiano

Mga opisyal ng Pasay City suporta kay Mayor Inday Sara

272 Views

NAGPAHAYAG ng suporta ang mga lokal na opisyal ng Pasay City kay vice presidential candidate Sara Duterte.

Ayon kay Mayor Emi Calixto Rubiano si Duterte ay isang tao na mayroong puso para sa tapat na paglilingkod.

“Sobra ring napakapalad natin dahil nabisita tayo ng isa ring mayora at tiyak na susunod na bise presidente ng Pilipinas, walang iba kung hindi si Mayor Inday Sara Duterte,” pagpapakilala ni Rubiano kay Duterte na dumalo sa pagtitipon ng mga opisyal ng lungsod at mga barangay sa Cuneta Astrodome.

Sinabi rin ni Rubiano na si Duterte ay mayroong puso para sa masa at nagbibigay ng oras para mapakinggan ang hinaing ng mga mamamayan.

Sa gitna ng pandemya ay hindi umano kinalimutan ni Duterte at ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte ang Pasay City.

Ayon naman kay Rep. Antonio Calixto ang Team Calixto mula sa mayor hanggang sa lider sa mga barangay ay sumusuporta kay Duterte.

“Ang Team Calixto ay nakiki-usap po sa inyo, na dinala niya ang pagbabago at darating pa ang tunay na pagbabago pag siya ay nahalal bilang vice president ng ating bansa,” dagdag pa ni Calixto.

Hinikayat ni Vice Mayor Noel del Rosario ang mga botante na suportahan si Duterte at ang mga kandidato sa pagkasenador ng UniTeam.

Ang Pasay City ay mayroong 276,579 rehistradong botante.