CAAP

Mga paliparan na hawak ng CAAP handa na sa holiday rush

235 Views

HANDA  na 42 paliparan na pinangangasiwaan ng Civil Aviation Authority of the Philippines’ (CAAP) para sa paparating na holiday rush.

Nakipag-ugnayan na umano ang CAAP sa mga airline operators at iba pang ahensya ng gobyerno gaya ng Office of Transportation Security (OTS) at Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) upang dagdagan ang kabilang mga tauhang naka-duty sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero.

Nagpaalala naman ang CAAP sa mga pasahero na huwag ng magdala ng mga ipinagbabawal na gamit upang mapadali ang pagproseso sa kanila.

Dahil sa pagluluwag ng COVID-19 restrictions ay inaasahan na umano ang pagdagsa ng mga pasahero.

Noong 2019, umabot sa 29.258 milyong pasahero ang gumamit ng mga paliparan sa bansa kung saan 2,537,774 pasahero ang bumiyahe sa buwan ng Disyembre.

Umabot naman sa 6.659 milyong pasahero ang bumiyahe sa buong taon ng 2020 kung saan 245,141 ang bumiyahe sa buwan ng Disyembre.

Noong nakaraang taon ay 1,007,842 ang bumiyahe sa buwan ng Disyembre at 5.1 milyong pasahero sa kabuuan ng 2021.

Mula Enero hanggang Oktobre ngayong taon ay umabot na sa 16 milyon ang pasaherong bumiyahe gamit ang mga paliparan.