Calendar

Mga pamilya ng EJK victims tuloy sa panaghoy ng hustisya dahil sa delay tactics ni FPRRD sa ICC trial — lawyer
ANG mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) sa ilalim ng administrasyon ni Duterte ay patuloy na humihingi ng hustisya, habang inakusahan ng isang abogado ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nagsasagawa ng ’delay tactics’ sa paglilitis sa International Criminal Court (ICC) upang mapalawig ang simpatiya ng publiko.
Sa isang panayam, pinuna ni ICC Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti ang umano’y paggamit ng ’delay tactics’ ng legal team ni Duterte.
Nagbabala siya na maaaring layunin ng estratehiyang ito na makaimpluwensiya sa opinyon ng publiko bago ang midterm elections at posibleng impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Isa sa mga umano’y taktika, ayon kay Conti, ay ang hakbang na alisin ang dalawa sa tatlong hukom na nangangasiwa sa kaso, dahil sa nakikitang pagkiling batay sa kanilang mga naunang desisyon sa mga kaugnay na usapin.
“The request to disqualify the two judges was a confidential submission, filed alongside their jurisdictional challenge. As a result, only one judge is left to hear the case, which could cause further delays in the proceedings,” paliwanag ni Conti.
“Sana hindi maging ganito ang mga susunod na takbuhin ng pagdinig… Kasi sa totoo lang, this is 8 years, 9 years delayed ang paglilitis tungkol sa war on drugs ni Duterte,” dagdag pa niyaz
Si Duterte ay nahaharap sa mga kaso ng krimen laban sa sangkatauhan dahil sa mga pagpatay na tinatayang umaabot sa 30,000 tao—karamihan mula sa mahihirap na komunidad—ayon sa Human Rights Watch. Ayon naman sa opisyal na datos mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), umabot sa 6,241 ang bilang ng mga namatay sa kampanya kontra droga mula Hulyo 1, 2016.
Saklaw ng imbestigasyon ng ICC ang period mula Nobyembre 1, 2011, noong si Duterte ay alkalde pa ng Davao City, hanggang Marso 16, 2019, noong siya ay presidente.
Noong Marso 11, 2025, inaresto si Duterte ng Philippine National Police at Interpol, at inilipat sa The Hague, Netherlands, sa parehong araw.