Calendar

Mga parak na tumulong sa muntik maiwan ng eroplano hinangaan
PINURI ng Philippine National Police (PNP), sa pangunguna ni PNP Chief Gen. Nicolas D. Torre III, noong Sabado ang mga miyembro ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagtulong sa mga motorista na muntik maiwan ng flight.
Kinilala ang mga miyembro ng NCRPO Regional Mobile Force Battalion (RMFB) sa pamumuno ni Maj. Gen. Anthony A. Aberin dahil sa kanilang pagtulong sa mga na-stranded na pasahero sa katimugang bahagi ng Metro Manila.
Habang patungo sa punong-tanggapan ng NCRPO sa Camp Bagong Diwa, napansin ng isang RMFB team ang ilang pasaherong na-stranded sa kalsada matapos tumirik ang kanilang sasakyan dahil sa overheat.
Agad na inilipat ng mga pulis ang sasakyang tumirik sa gilid ng kalsada upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko at nakipag-ugnayan sa Skyway Patrol Group para sa karampatang tulong.
Isinakay ng mga tauhan ng RMFB-NCRPO ang mga na-stranded na pasahero sa kanilang police mobile at naihatid sa NAIA Terminal para makasama sa kanilang flight.
“Ito ang uri ng pagpupulis na ating isinusulong–mabilis at nakatuon sa serbisyo.
Kailangang laging handa ang ating mga pulis na kumilos nang may puso, maging sa oras ng panganib o sa pang-araw-araw na pangangailangan,” ayon kay Gen. Torre.
Sa isang hiwalay na insidente, habang nagsasagawa ng foot patrol sa Doña Soledad Avenue sa Barangay Don Bosco, Parañaque City, rumesponde sina Police Executive Master Sergeant Joselyn Bangayan at Patrolmen Ricardeo Felipe at Milliana Paguirigan sa motorcycle rider na nahilo, nanginig at nanigas ang kamay at daliri.
Agad na nagbigay ng paunang lunas ang mga pulis at nakipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay. Dumating ang ambulansya na naghatid sa biktima sa ospital ng Parañaque.