Mga programa ng OFW Party List Group nakalatag na mula Hulyo hanggang Disyembre ng 2023

Mar Rodriguez May 30, 2023
137 Views

INIHAYAG ng One Filipinos Worldwide (OFW) Party List Group sa Kamara de Representantes na naka-hilera at nakalatag ang napakarami nilang programa para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang pamilya mula Hulyo hanggang sa buwan ng Disyembre.

Ito ang nabatid ng People’s Taliba kay OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino sa isang panayam na nakatutok ang kanilang grupo para sa implementasyon ng iba’t-ibang programa para sa mga OFWs.

Binanggit ni Magsino na kabilang sa mga naka-hilera at nakalatag nilang programa ay ang pagsasagawa ng emergency employment programs, cash assistance para sa mga distressed OFWs at kanilang pamilya.

Sinabi pa ni Magsino na magkakaroon din ng training para sa mga dating OFWs na pangangasiwaan naman ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) kasama na dito ang kanilang mga pamilya upang turuan umano sila ng iba’t-ibang kabuhayan at pagtatayo ng sariling negosyo.

Ipinaliwanag ng kongresista na layunin nito na maisulong ang livelihood programs para sa mga dating OFWs na nagnanais magtayo ng kanilang negosyo. Kabilang din sa kanilang mga programa ang pagkakaroon ng mga infrastructure projects sa ilang piling OFW communities sa bansa.

Ayon kay Magsino, nakatakda rin silang bumisita sa mga “host countries” kung nasaan ang mga OFWs upang personal umano niyang makita ang kalagayan ng mga ito partikular na sa South Korea na bibisitahin niya ngayong buwan ng Hunyo.

Nauna rito, sinabi ni Magsino na magkakaroon ng sariling TV program ang OFW Party List upang mas lumawak pa ang mga plataporma para malaman ng mga OFWs ang mga programang isinusulong nito. Kabilang na dito ang pagtulong ng mambabatas sa mga OFWs na nahaharap sa iba’t-ibang problema.