Mga senador kinuwestyon hindi nagagamit na health facility projects

20 Views

KINUWESTYON nina Senate Deputy Majority Leader Risa Hontiveros at Sen. Raffy Tulfo ang Department of Health kung bakit may mga health facility project na nananatiling delayed, hindi nagagamit o hindi operational sa kabila ng bilyong pisong budget na inilaan sa Health Facilities Enhancement Program.

Kailangan pa rin ang programa dahil ang rural health units, barangay health stations at super health centers ang madalas na unang takbuhan ng mga Pilipino, lalo na sa malalayong komunidad, kung may emergency, manganganak o kailangang magpagamot, ayon kay Hontiveros.

Ngunit sinabi ni Hontiveros na hindi dapat sukatin ang tagumpay ng programa sa dami ng naipatayo na gusali, ribbon-cutting o photo opportunity kundi sa kung umaabot ba talaga sa mga tao ang de-kalidad na serbisyong pangkalusugan.

Sinabi niya na patuloy na nararanasan ng maraming komunidad ang mga pasilidad na sarado, kulang sa gamot, kulang sa staff, equipment na hindi nagagamit, delayed na proyekto at mga gusaling “completed” sa papel ngunit hindi napakikinabangan sa totoong buhay.

“Completed sa papel, pero palpak sa totoong buhay,” ani Hontiveros.

Batay sa mga ulat at findings ng Commission on Audit, sinabi ni Hontiveros na marami sa mga problema ay inuugnay sa mahinang monitoring at procurement, contractor non-performance, hindi patas na allocation ng proyekto at posibleng pag-bypass sa technical vetting process sa pamamagitan ng political o informal channels.

“Dahil sa huli, hindi sa dami ng ribbon-cutting, photo ops o gusaling naipatayo nasusukat ang tagumpay ng HFEP. Ang tunay na sukatan ay kung may kalidad na serbisyong pangkalusugan ang umaabot sa tao,” ani Hontiveros.

Sinabi naman ni Tulfo na layunin ng HFEP na ilapit ang serbisyong pangkalusugan sa taumbayan, ngunit kinuwestiyon niya kung nararamdaman ba talaga ng mga Pilipino ang ipinangakong benepisyo sa kabila ng mahigit P190 bilyong nagastos para sa programa mula 2008 hanggang 2023.

“Ang tanong: ramdam ba talaga ng taumbayan ang serbisyong pangkalusugan na ipinangako ng HFEP?” tanong ni Tulfo.

Sinabi niya na mahigit P11.54 bilyong halaga ng health infrastructure projects ang delayed, P619 milyong halaga ng pasilidad ang hindi nagagamit, at P405 milyong halaga ng medical equipment ang hindi magamit dahil sa kulang na planning, kakulangan ng trained manpower at delayed installation.

Nagpahayag din si Tulfo ng pangamba sa Super Health Centers, na aniya ay naging paksa ng reklamo at mga ulat nitong mga nakaraang buwan dahil umano sa pagiging “ghost health centers.”

Ayon kay Tulfo, iniulat ng DOH na mayroon nang 820 Super Health Centers sa buong bansa na pinondohan ng humigit-kumulang P8.7 bilyon mula 2021 hanggang 2025.

Sa bilang na ito, sinabi niya na 481 ang naiulat na completed batay sa scope of work, 243 ang classified as ready for occupancy, at 224 ang operational, habang 19 ang hindi pa rin gumagana dahil sa problema sa utility connection at kakulangan ng manpower.

Binanggit din ni Tulfo ang Meycauayan Super Health Center, na aniya ay operational na mula 2023 ngunit wala pa ring dental clinic at laboratory services kahit ipinangako ang mga ito noong inauguration.

“It is apparent that ‘completed’ does not necessarily mean operational. At hindi rin porket operational ay ‘super’ na agad ang serbisyo,” sabi ni Tulfo.

Sinabi ni Tulfo na kung walang doktor, specialist at trained personnel, hindi lubusang magagamit ng mga pasyente kahit ang mga bagong gusali at kagamitan.

Sinabi rin niya na dapat tugunan ng HFEP ang iba pang pangunahing pangangailangan sa kalusugang pampubliko, kabilang ang screening at early intervention para sa chronic kidney disease at accessible dental services.

Humigit-kumulang P7.8 bilyon ang inilaan mula 2021 hanggang 2026 para sa ambulansya at mobile clinics, ngunit tinanong niya kung functional, properly equipped at tunay bang ginagamit ang mga ito para sa mga pasyente.

Binanggit ni Tulfo ang mga ulat tungkol sa isang LGU-owned ambulance na umano’y ginagamit lamang bilang shuttle sa EDSA Busway kahit kulang sa emergency equipment, at isa pang ambulansya sa Nueva Vizcaya na iniulat na napabayaan.

Pinapaliwanag din niya sa DOH ang estado ng mobile primary care facilities, dahil aniya ay may ilan na hindi fully functional dahil sa kakulangan ng supplies at trained personnel.

Tinukoy ni Tulfo ang mga reklamo na may kinalaman sa EGB Construction, na sinabi niyang iniulat na pag-aari ng kapatid ng dating DOH official na si Glenn Matthew Baggao.

Sinabi niya na saklaw ng mga reklamo ang hindi bababa sa limang HFEP-related projects na nagkakahalaga ng halos P141 milyon, kabilang ang isang Super Health Center sa Isabela at isang district hospital.

Dapat maimbestigahan nang maayos ang mga alegasyon at dapat sumagot ang mga kinauukulang opisyal sa tamang forum, ayon kay Tulfo.