Chiz

Mga senador nagpasalamat sa Estados Unidos sa $500M military pondo

112 Views

PINURI ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero nitong Miyerkules ang United States sa groundbreaking na desisyon nito na maglaan ng karagdagang $500 milyon sa foreign military financing sa Pilipinas, na minarkahan ang isang makasaysayang hakbang sa pagpapalakas ng kakayahan ng depensa ng bansa.

“This is indeed a first!,” ani Escudero sa nasabing investment na naglalayong i-modernize ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG).

“I would like to express my appreciation and thanks to the United States for this unprecedented assistance to and investment in the AFP, which we definitely need and have been needing,” dagdag pa nito.

“This shows that we (the U.S. and the Philippines) are indeed friends and, more importantly, equal partners in maintaining peace, freedom of navigation, and a rules-based approach to differences and disagreements.”

Ang pagpapahayag ay nagmula mismo kay U.S. Secretary of State Antony Blinken at Defense Secretary Lloyd Austin III sa isang 2+2 Ministerial Dialogue kasama si Philippine Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo at Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. matapos bumisita ang dalawang opisyales ng pamahalaan ng Estados Unidos.

Inilarawan ni Blinken ang $500 milyon na alokasyon bilang isang malaking tulong sa kanilang adhikain na tulungan ang sa seguridad at siguruhin ang katahimikan na tinatamasa ng ating bansa kung saan ay binibigyang-diin ng mga ito ang kahalagahan ng ating pagkakaibigan at ang malalim na pinag-ugatan na magandang samahan sa pagitan ng dalawang bansa.

Tinawag naman ni Sec. Austin ang pagbibigay tiwala ng US sa Pilipino kung saan aniya ay itoy maituturing na isang matapang na hakbangin tungo sa pagpapatupad ng modernisasyon ng AFP at PCG, na nagpapakita ng malakas na suporta mula sa administrasyong Biden, U.S. Congress, at mga mamamayang Amerikano.

Samantala, ibinasura ni Escudero ang mga alalahanin na ang pagpopondo na ito ng US ay maaaring magdulot ng tensyon sa China sa West Philippine Sea.

“Sa palagay ko ay hindi ito mag-udyok o mag-agitate sa China dahil ang pagpapalakas ng sariling militar, tulad nila at karamihan sa mga bansa, upang mapanatili ang kapayapaan ay karapatan at obligasyon ng bawat bansa,” sabi ng pinuno ng Senado.

Inulit din niya ang kanyang mga naunang pahayag, na idiniin ang kahalagahan ng pagpapalakas ng AFP upang matiyak ang kapayapaan, hindi mag-apoy ng sigalot.

“Tulad ng sinabi ko sa aking mga pahayag sa pagbubukas ng Senado, dapat, sa tulong ng ating mga kaibigan, kaalyado, at kasosyo, ay dapat nating buuin at palakasin ang ating militar hindi para mag-apoy ng sigalot kundi para matiyak ang kapayapaan,” ani Escudero.

Gaya ni Escudero, pinuri at pinasalamatan din ni Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri ang nasabing $500 milyon na tulong na ito sa ating bansa partikular sa ating AFP para sa depensa ng bansa, lalo na sa pagtatanggol sa teritoryo nito at pagpapanatili ng kapayapaan sa Indo-Pacific na rehiyon.

Sa pagtanggap sa tulong militar mula sa US, ipinahayag ni Zubiri na ang kabutihan na ito ay hindi dapat ikabahala laban sa alinman sa mga kapitbahay ng bansa, ngunit bilang isang hakbangin lamang upang matiyak ang kapayapaan sa rehiyon ng Indo-Pacific ay hindi masasakripisyo.

“Nasa posisyon ang US na tumulong, at nasa posisyon ang Pilipinas na tanggapin ito,” sabi ni Zubiri, na matagal nang nagtaguyod ng modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), lalo na nang magsimulang tumaas ang tensyon sa West Philippine Sea (WPS).

Sinasabing naglaan ang Senado ng mahigit na P6 bilyon para sa AFP at P2.8 bilyon para sa Philippine Coast Guard para sa kanilang modernisasyon para sa 2024 General Appropriations Act.

Ang Pilipinas ay pumirma ng mutual defense treaty sa US noong 1951 – na ginawa ang US bilang pinakamatandang kaalyado ng Pilipinas.

Hindi rin sang ayon si Zubiri sa mga agam agam na ang tulong na ito ay magbibigay ng masamang kahulugan sa panig ng China kung saan ay ipinunto niyang nais lamang aniya ng US na tulungan ang bansa na gawin moderno ang ating mga kagamitan at makasabay ang ating bansa sa iba pang kapit bahay natin sa Asya.