Calendar
Mga senador umaasang magpapalakas sa PH turismo ang VAT refund
ANG pagsasabatas ng Value-Added Tax (VAT) refund mechanism para sa mga dayuhang turista ay inaasahang magpapalakas sa sektor ng turismo ng Pilipinas simula sa susunod na taon ng 2025.
Inakda at inisponsoran ni Senador Sherwin Win Gatchalian ang panukala na pormal nang nilagdaan bilang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang seremonya sa Malacañang noong Disyembre 9, 2024.
“Inaasahan natin ang pagdami ng mga turistang dadating sa bansa na magdudulot ng mas maraming trabaho sa mga industriyang may kaugnayan sa turismo tulad ng mga hotel, hospitality, transportasyon, travel facilitation, at entertainment,” ayon kay Gatchalian, na siyang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means.
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang batas ay sumusuporta sa mga pagsisikap ng administrasyon na palakasin ang sektor ng turismo sa pamamagitan ng paggawa ng mas kaakit-akit na destinasyon ang Pilipinas para sa mga dayuhang bisita.
“By allowing foreign tourists to claim VAT refunds on goods they purchase in the Philippines, we are creating an environment that not only attracts more tourists but also encourages them to spend more, benefiting local businesses and industries,” paliwanag ni Gatchalian.
Ang VAT refund mechanism ay ilalapat sa mga produktong binili nang personal mula sa mga accredited store na may minimum na halaga na PHP 3,000 kada transaksyon. Ang mga produktong ito ay kailangang ilabas ng sinuman turista sa bansa sa loob lamang ng 60 araw mula sa petsa ng pagbili.
Bagama’t naniningil ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng 12% VAT sa mga produktong ibinebenta sa loob ng bansa, iginiit ni Gatchalian na ang anumang revenue loss mula sa refund ay mababawi ng mga economic activity na dulot ng mas mataas na paggastos ng mga turista kahalintulad ng ginagawa sa iba pang bansa..
Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), ang bagong reporma sa pananalapi ay maaaring magdulot ng PHP 3.3 bilyon hanggang PHP 5.7 bilyon na kita sa turismo kada taon. “Ang batas na ito ay isang pamumuhunan sa ating sektor ng turismo, at sa pamamagitan nito ay magkakaroon ng oportunidad ang marami nating mga kababayan,” dagdag ni Gatchalian.
Binanggit naman ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero ang kahalagahan ng VAT refund measure at inilarawan din ito bilang isang matagal nang nararapat na isinagawang reporma.
“Providing VAT refunds on goods purchased by tourists is something that many countries around the world have been doing for years. The tourism sector is a consistent contributor to our economy, so an uptick in arrivals would provide a boost to our GDP and generate more jobs for our people,” ani Escudero.
Bagama’t unti-unti nang bumabawi ang sektor ng turismo mula sa pandemya, nananatili pa rin ang bilang ng mga turista na mas mababa kumpara sa pre-COVID levels. Ipinahayag ni Escudero ang kanyang paniniwala na ang VAT refund mechanism ay makakatulong upang makipagsabayan ang Pilipinas sa ibang destinasyon sa Asya at sa buong mundo.
“By offering the VAT refund for tourists, we will be able to entice more visitors and solidify our position as a premier destination,” aniya.
Sa karaniwan, ang isang dayuhang turista ay gumagastos ng PHP 120,000 sa kanilang pagbisita, na nagdudulot ng malaking ambag sa lokal na ekonomiya.
Binigyang-diin ni Escudero ang kahalagahan ng maayos na implementasyon, partikular na sa pagproseso ng refund claims. “What is vital is how efficient the process will be for the implementation of the law; otherwise, this will not produce our intended results,” babala niya.
Ang batas ay inaasahang magpapasigla sa mga lokal na industriya, lilikha ng mas maraming trabaho, at magpapalakas sa pangkalahatang paglago ng ekonomiya ng bansa. Sa kasalukuyan, ang sektor ng turismo ay nagbibigay ng trabaho sa 6.21 milyong Pilipino, na kumakatawan sa 13% ng workforce, ngunit mas mababa pa rin ito kumpara sa 7.06 milyong trabaho bago ang pandemya.
Sa pamamagitan ng bagong batas na ito, positibo ang pananaw ng mga mambabatas at iba pang stakeholders para sa pangmatagalang pag-unlad ng sektor ng turismo ng Pilipinas.