Dengue Source: DOH FB Page

MHD mag-iikot sa mga paaralan sa Maynila para sa misting ops vs dengue

Edd Reyes Aug 19, 2024
69 Views

INIHAYAG ni Manila Mayor Dr. Honey Lacuna-Pangan na maglilibot ang mga tauhan ng Manila Health Department (MHD) sa mga paaralan sa Maynila para sa misting operations sa pagsisimula ng Dengue Awareness Program sa lungsod.

“Tayo po ay nananawagan sa lahat ng ating mga kababayan tungkol sa paglilinis ng kanilang kapaligiran. Tumataas po ang kaso ng dengue ngayong tag-ulan. Hindi lamang po ‘yan, tumataas po ang kaso ng leptospirosis dala ng napakaraming lumulusong sa tubig-baha noong bagyong Carina,” sabi ng alkalde.

Nauna nang ipinahayag ng Department of Health (DOH) na lumobo ang bilang ng mga kaso ng leptospirosis sa bansa. Umabot sa 17 porsiyentong pagtaas ang naitala sa loob ng dalawang linggo matapos ang pananalasa ng bagyong Carina noong Hulyo.

Sinabi ng alkalde na mayroon na ring hakbang si DOH Secretary Teodoro Herbosa na pakiusapan ang lahat ng mga lokal na pamahalaan na madalas bahain na magpasa ng ordinansa para ipagbabawal ang paglangoy sa tubig-baha upang maiwasan ang pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis.

“Ewan ko ba naman kung bakit gustong-gusto ng ating mga kababayan na mag-swimming sa tubig-baha, alam naman nilang napakadelikado,” sabi ng alkalde.