OCD

Mindanao landslide: 16 patay, 11 lugar nasa state of calamity

Chona Yu Jan 22, 2024
149 Views

UMAKYAT na sa 16 katao ang nasawi dahil sa landslide dulot ng shearlines sa Mindanao region.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon Public Briefing, sinabi ni Office of the Civil Defense spokesman Director Edwin Posadas na sa naturang bilang, 12 ang nasawi mula sa Caraga region, dalawa sa Davao region at tig-isa sa Davao Oriental at Davao Occidental.

Lima naman ang nasugatan habang walang naitalang nawawala.

Ayon kay Posadas, umakyat na sa 11 lugar ang nagdeklara ng state of calamity. Sa naturang bilang, pito sa Davao region at apat sa Caraga region.

Sa kabuuan, sinabi ni Posadas na umaabot sa pinagsamang 152,600 na pamilya o 670,000 indibidwal ang naapektuhan ng kalamidad.

Naitala naman ng OCD ang 13 rain induced landslides sa parehong rehiyon.

Inaayos na aniya ito ng mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan para maging normal na ang pagpasok ng tulong ng gobyerno para hindi naman masyadong maapektuhan ang pamumuhay ng mga residente.