Calendar

MinOr patuloy laban vs malnutrition; PNC kumilos
GINANAP noong Mayo 29 ang 2nd quarterly meeting ng Provincial Nutrition Committee (PNC) ng Mindoro Oriental at dinaluhan ni Provincial Nutrition Action Officer (PNAO) Dr. Cielo Angela Ante ang talakayan katuwang ang mga miyembro ng PNC upang palawakin ang mga aksyon na tumutugon sa nutrisyon ng mga mamamayan lalo na ang mga bata, buntis at nagpapasusong ina.
Tinalakay ni Ante ang kahalagahan ng pagbuo ng sustainable food sources sa mga komunidad, ang mas aktibong pagpapaunlad ng community gardening, pati na rin ang pagtatayo ng gulayan sa mga paaralan, barangay at mga workplaces.
Nakiisa sa meeting ang Department of Agriculture (DA), Department of Education (DepEd), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Science and Technology (DOST) at mga Local Government Units (LGUs).
Ang multisectoral approach na ito ang inaasahang magdadala ng mas epektibong resulta sa kampanya laban sa malnutrisyon.
Tinalakay ang progreso tulad ng Tutok Kainan Dietary Supplementation Program, mga proyekto ng Helen Keller International at ang Monitoring and Evaluation of Local Level Plan Implementation (MELLPI).
Layunin sa programa na makamit ang zero hunger at mas pinabuting kalagayan ng nutrisyon ng bawat pamilya sa Oriental Mindoro sa pangunguna ni Gov. Bonz Dolor at mga LGUs.
Sa pagtutulungan ng pamahalaan, pribadong sektor at komunidad, naniniwala ang mga miyembro ng PNC na makakamit ang isang mas malusog at mas matatag na kinabukasan para sa lahat ng Oriental Mindoreño.