Senate Source: Kiko Pangilinan FB

Minority tinanggihan ang Senate independence claim Ni Cayetano, tinawag na ‘boycott of duty’ di pagbukas ng sesyon

24 Views

TINANGGIHAN ng Solid Bloc 11 ang pag-frame ni Senate President Alan Peter Cayetano na may kinalaman sa kalayaan ng Senado ang hindi pagbubukas ng sesyon nitong Lunes, at tinawag ito na “boycott of duty” matapos hindi humarap sa plenaryo ang majority bloc at ang presiding officer.

Sa isang joint statement, sinabi ng minority senators na naroroon ang lahat ng 11 miyembro ng bloc para sa 5 p.m. resumption ng sesyon, handang magtrabaho, bumoto sa mga nakabinbing panukala at panatilihing gumagana ang Senado, ngunit ang mayorya na pinamumunuan ni Cayetano ay “chose not to show up.”

“Let us call this for what it is: the claim that this is about Senate independence is false, because what happened today was about the rule of law, public accountability and a lawful process before the Ombudsman and the Sandiganbayan that no senator, no bloc and no presiding officer controls,” pahayag ng bloc.

Sinabi ng minority na hindi sila sinabihan ng majority na wala itong balak mag-convene. Kung nais umano ng mayorya na magprotesta o ipagtanggol ang kanilang posisyon, dapat itong gawin sa Senate floor at hindi sa pagpapahinto sa trabaho ng kapulungan.

“Ang Senado ay hindi pag-aari ng iisang may hawak ng gavel. Institusyon ito ng taumbayan at napakadaming mahalagang panukala ang nabibinbin dahil sa drama ng mayorya,” pahayag ng bloc.

Ayon sa Solid Bloc 11, naiwan ding nakabinbin ang Magna Carta of Barangay Health Workers, Anti-Hospital Detention Bill, kumpirmasyon ng mga heneral sa Commission on Appointments, at mga panukalang nagkakaloob ng Philippine citizenship kina Bennie Boatwright III at Matthew James Ramos.

Inilabas ang pahayag matapos hindi mabuksan ang sesyon ng Senado kasunod ng pagsuko ni Senador Jose “Jinggoy” Estrada matapos maglabas ang Sandiganbayan ng warrant of arrest laban sa kanya sa mga kasong plunder at graft kaugnay ng umano’y flood-control irregularities.

Ayon sa bloc, ang hindi pagbubukas ng sesyon ay “a boycott because of the arrest of Senator Jinggoy Estrada,” at tinanong nito kung kinukuwestiyon ba ni Cayetano ang rule of law.

Binatikos din ni Senador Erwin Tulfo ang hindi pagbubukas ng sesyon, at tinawag itong “another waste of taxpayers’ money.”

“Personally, it’s so disgusting. Another waste of taxpayers’ money,” sabi ni Tulfo.

Tinanggihan ni Tulfo ang pahiwatig na minamanipula ng Malacañang ang minority bloc, at sinabing ginagawa lamang ng Ombudsman ang trabaho nito.

“Minamanipula kami ng Malacañang? No, of course not,” sabi ni Tulfo.

“Ginagawa ng Ombudsman ang trabaho nila,” dagdag niya.

Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na handang magtrabaho ang minority senators.

“On our part we just want to work,” sabi ni Gatchalian.

Kinuwestiyon naman ni Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri kung bakit naudlot ang trabaho ng Senado.

“Gusto namin magtrabaho. Bakit naman naka-hostage ang trabaho ng Senado?” sabi ni Zubiri.

Sinabi rin ni Zubiri na sa 14 na taon niya sa Senado, hindi pa siya nakakita ng nakatakdang sesyon na hindi nabuksan dahil walang presiding officer na sumipot.

Hindi nabuksan ang sesyon matapos manawagan si Cayetano sa mga senador na hayaang “go quiet” ang kapulungan bilang paninindigan umano para sa kalayaan ng Senado.

Sa pahayag na inilagay sa kanyang Facebook profile, hinamon ni Cayetano ang 11-miyembrong minority bloc na makiisa sa kapulungan, at sinabing ang Senado ay co-equal branch of government at “not a prize to be claimed by anyone.”

“So I put one question to you, not as the Majority but as the chamber: will you stand for the Senate’s independence?” sabi ni Cayetano.

Hiniling din niya sa mga senador na makiisa sa tinawag niyang “one deliberate act” para hayaang “go quiet, together and by choice” ang Senado.

Sa ilalim ng rules ng Senado, kailangan ang mayorya ng lahat ng senador para magkaroon ng quorum. Sa 24-miyembrong Senado, kailangang naroroon ang hindi bababa sa 13 senador bago makakilos nang balido ang kapulungan sa mga nakabinbing usapin.

Kung walang pormal na pagbubukas ng sesyon, quorum at presiding officer, hindi makakakilos ang Senado sa mga nakabinbing usapin, kabilang ang panukalang pagbabago sa rules sa remote participation at online voting.

Hinimok ng Solid Bloc 11 ang Senado na buksan ang sesyon at bumalik sa trabaho, at sinabing pangunahing tungkulin ng mga senador ang pumasok, sumunod sa batas at maglingkod sa publiko.