Poa Bitbit ni Atty. Michael Poa ang mga defense letter sa impeachment laban kay Vice-President Sara Duterte nitong Hunyo 1, 2026. Kuha ni JOSEPH MUEGO

SC petition posible pa rin — Poa

25 Views

SINABI ni Atty. Michael Poa na naghain ang legal team ni Bise Presidente Sara Duterte ng kanyang pormal na sagot sa Senate impeachment court, habang handa umano ang kampo na harapin ang proceedings at nananatiling bukas ang posibilidad na dumulog sa Supreme Court.

Ayon kay Poa, sumunod ang defense team sa kautusan ng Senate impeachment court na sagutin ni Duterte ang Articles of Impeachment sa loob ng 10 calendar days mula nang matanggap ang summons, isang palugit na hindi na maaaring palawigin.

Sa paghahain ng sagot, susunod na maaaring maghain ng reply ang House prosecution panel sa loob ng limang araw mula nang matanggap ang sagot ng Bise Presidente.

Hindi lubusang idinetalye ni Poa ang nilalaman ng sagot, kabilang kung simpleng pagtanggi lamang ito sa mga alegasyon o kung may kasama ring pagtutol sa hurisdiksyon at proseso.

Handa aniya ang kampo ni Duterte na humarap sa Senate impeachment court, ngunit nananatiling opsyon ang paghahain ng petisyon sa Supreme Court.

Kabilang sa impeachment case laban kay Duterte ang mga alegasyon ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust.

Itinanggi ni Duterte ang mga alegasyon laban sa kanya.

Nauna nang nagtipon ang Senado bilang impeachment court matapos ipadala ng House of Representatives ang Articles of Impeachment laban sa Bise Presidente.

Ayon kay Poa, patuloy na ipagtatanggol ng defense team ang mga karapatan ni Duterte habang umuusad ang kaso.

Matapos ang posibleng reply ng House prosecution panel, nasa Senate impeachment court na ang pagpapasya sa susunod na hakbang sa kaso.