Tulfo1 Photo source: Erwin Tulfo

Minorya nananawagan ng pagbibitiw ni Cayetano, binira pagbabaya sa tungkulin

22 Views

Tulfo2NANAWAGAN ang Senate minority bloc nitong Martes na magbitiw si Senate President Alan Peter Cayetano, matapos siyang akusahan ng pagkabigong gampanan ang tungkuling tipunin ang plenaryo nang hindi mabuksan ang sesyon ng Senado sa ikalawang sunod na araw.

Sa isang press conference sa Senate plenary hall, sinabi ng minority bloc na nabigo si Cayetano na tipunin ang plenaryo at pamunuan ang nakatakdang sesyon kahit naroroon ang mga senador ng minorya at handang magtrabaho.

Inakusahan ng bloc si Cayetano at ang mayorya ng pagpapabaya sa tungkulin, paglabag sa rules ng Senado at pagpaparalisa sa kapulungan habang nananatiling nakabinbin ang mahahalagang gawaing lehislatibo.

Nasa oras ang mga senador ng minorya para sa nakatakdang sesyon at naghihintay na magsimula ang pagdinig. Makalipas ang halos 20 minuto, ipinaabot sa kanila ang impormasyon mula kay Senate Secretary Jose Luis G. Montales na walang senador mula sa mayorya ang dadalo.

Bago naiparating ang impormasyon mula kay Montales, sinabi ni Senador Erwin Tulfo sa mga mamamahayag na maghihintay ang minorya sa pagdating ng mayorya.

“I don’t know, kung darating sila may session. Pag hindi sila dumating, edi wala session,” sabi ni Erwin.

Matapos malaman na walang senador mula sa mayorya ang dadalo, nagpulong nang sarado ang mga senador ng minorya sa Senate lounge bago nagsagawa ng press conference.

Sinabi ni Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri na walang magaganap na sesyon dahil walang presiding officer na magbubukas nito.

Kung walang Senate President o awtorisadong presiding officer na magbubukas ng sesyon, at kung walang quorum, hindi makapagsasagawa ng opisyal na gawain ang Senado.

Sa isang Facebook statement, ipinagtanggol ni Cayetano ang posisyon ng mayorya at nanawagan sa mga senador na gumawa ng sama-samang paninindigan para sa Senate independence kasunod ng pag-aresto kay Senador Jose “Jinggoy” Estrada.

Hinimok niya ang minorya na sumama sa mayorya sa pagpapahintulot sa Senado na “go quiet, together and by choice,” at sinabing ang usapin ay tungkol sa institusyon at hindi lamang sa isang political bloc.

Tinanggihan ni Senadora Risa Hontiveros ang panawagan ni Cayetano na tumahimik ang Senado, at sinabing kabaligtaran ito ng inaasahan ng publiko mula sa kapulungan.

“Ang Senado dapat boses ng mamamayan, bakit niya bubusalan?” sabi ni Hontiveros.

Ayon sa minorya, hindi maaaring ipakita ang Senate independence sa pamamagitan ng pagpapatigil sa trabaho, lalo na kung nakabinbin ang mga panukala, confirmations at paghahanda para sa inaasahang impeachment trial sa Hulyo.

Sinabi ng bloc na dahil sa desisyon ng mayorya na “go quiet,” naiwan sa ere ang Anti-Hospital Detention Bill, Magna Carta of Barangay Health Workers, confirmation ng mga colonel na nominado para ma-promote bilang heneral, at citizenship bills nina Bennie Boatwright III at Matthew James Ramos.

Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na umaabot sa humigit-kumulang P25 milyon kada araw ang ginagastos ng pamahalaan para sa operasyon ng Senado, kabilang ang pasuweldo at iba pang gastusin.

“P25 million ang gastos ng Senado araw-araw, kasama na diyan ang mga pasweldo at marami pang iba. Napakalaking talo ng taumbayan kapag hindi kami nagtatrabaho,” sabi ni Gatchalian.

Sinabi ni Gatchalian na hindi dapat kanselahin o pigilan ng liderato ang sesyon nang walang maayos na abiso at konsultasyon sa minorya.

“Bukas, gusto naming magkaroon ng quorum. Gusto namin magkaroon ng presiding officer na mag-open ng session para magtrabaho tayo. Hindi pwedeng basta-bastang kinacancel ang session nang walang abiso ang majority sa minority,” sabi niya.

Aniya, hindi maaaring suspendihin o kanselahin ang sesyon nang walang konsultasyon sa dalawang panig.

“Dahil di naman pwedeng suspendihin at i-cancel ang session nang walang consultation with the majority and minority. So clearly violation of the rules,” sabi ni Gatchalian.

Inakusahan din ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan si Cayetano at ang majority bloc ng “brazen violation” sa rules ng Senado, at sinabing umabot na sa punto ng impunity ang paulit-ulit na hindi pagdaraos ng sesyon.

Ayon kay Pangilinan, hindi maaaring basta pigilan ng Senate leadership ang nakatakdang sesyon nang hindi sinusunod ang rules na nangangailangan ng consultation o concurrence mula sa majority at minority leadership.

“This is actually impunity masquerading as assertion of the Senate as an independent institution,” sabi ni Pangilinan.

Aniya, paulit-ulit nang binabaliwala ang rules.

“Binabaliwala ang ating rules. Hanggang ngayon, hanggang kanina, hanggang kahapon, binabaliwala ang ating rules. Hindi ito tama,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV na hindi maaaring gumana ang Senado kung tumatanggi ang presiding officer na buksan ang sesyon, at nagbabala na napipigilan ang kapulungan na gawin ang trabaho nito kahit naroroon ang mga senador na handang talakayin ang mga nakabinbing panukala.

Ayon kay Aquino, hindi na lamang ito usapin ng pagliban ng ilang senador, kundi ng hindi pagbubukas ng sesyon upang makakilos ang Senado sa mga nakabinbing panukala.

Pinuna rin ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang hindi pagdalo ng mayorya, at sinabing hindi ito pagtatanggol sa Senate independence kundi pagpapabaya sa tungkulin na ginagawang hostage ang lehislasyon.

“Standing up for the Senate’s independence does not place SP Cayetano and any senator above the law. It has nothing to do with non-adherence to the rule of law. Dereliction of duty will not solve this partisan gridlock. Its sole purpose is to hold legislation hostage,” sabi ni Lacson.

Pinuna rin ni Senador Raffy Tulfo ang hindi pagharap ni Cayetano sa plenaryo, at sinabing dapat humarap sa minorya ang Senate President sa floor kung nais ipagtanggol ng mayorya ang posisyon nito.

“Duwag,” sabi ni Raffy, kaugnay ng hindi pagharap ni Cayetano sa plenaryo.

Aniya, dapat dumalo ang mayorya sa sesyon kung nais nilang iprotesta ang pag-aresto kay Estrada, ipaliwanag ang kanilang posisyon o igiit ang Senate independence.

“Mayroon silang trabaho na dapat gampanan, which they did not, at wala naman silang malalim na dahilan,” sabi ni Raffy.

Kinuwestiyon din ni Senador Erwin Tulfo ang pagliban ng mayorya, at sinabing binabayaran ang mga senador upang pumasok sa trabaho at walang emergency, kalamidad o force majeure na maaaring magbigay-katwiran sa hindi pagdaraos ng sesyon.

“Personally, it’s so disgusting. Another waste of taxpayers’ money,” sabi ni Erwin.

“We are paid salaries, then you don’t come to work?” dagdag niya.

Aniya, dapat humarap ang mayorya sa session hall kung nais nitong iprotesta ang pag-aresto kay Estrada o ipaliwanag ang paninindigan nito sa Senate independence.

“Boycott, just because Jinggoy was arrested?” sabi ni Erwin.

Sinabi ni Zubiri na tila protesta ang pagliban ng mayorya batay sa social media statement ni Cayetano.

“If you see Sen. Alan’s statement sa social media, sabi niya, parang it’s a sign of protest on their part,” sabi ni Zubiri.

“On our part, we just want to work. Bakit naman naka-hostage ang trabaho ng Senado? Ngayon pa lang nangyari na hindi sumipot presiding officer,” dagdag niya.

Sinabi ni Senador JV Ejercito, kapatid sa ama ni Estrada, na nalulungkot siya sa pangyayari ngunit iginiit na dapat hayaang umusad ang proseso ng batas.

“We pray that he will have the strength to face the accusations against him, but as I said, justice and truth should prevail,” sabi ni Ejercito.

Nasa session hall din si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III kasama ang minority bloc.

Sa isang joint statement, sinabi ng Solid Bloc 11 na hindi Senate independence ang hakbang ng mayorya kundi pagpapabaya sa tungkulin.

“The Solid Bloc 11 minority senators were present today for the 5 p.m. resumption of session, ready to work, ready to vote on pending bills and ready to keep the Senate running, but the majority led by SP Cayetano chose not to show up,” sabi ng bloc.

“They did not even have the courtesy to inform us when they ignored the rules, and could not extend the basic decency of telling the minority that they had no intention of convening,” dagdag nito.

Sinabi ng minorya na may seryosong trabaho ang Senado at maaari namang ihayag ng mayorya ang posisyon nito sa pamamagitan ng regular parliamentary proceedings.

“Let us focus on the work, because the Senate has serious business before it, and if the majority wants to protest, deliver privilege speeches or defend its position, the proper place to do that is on the floor, not by making the chamber stand still,” sabi ng bloc.

“Ang Senado ay hindi pag-aari ng iisang may hawak ng gavel. Institusyon ito ng taumbayan at napakadaming mahalagang panukala ang nabibinbin dahil sa drama ng mayorya,” dagdag nito.

Nangyari ang bigong sesyon kasunod ng pag-aresto kay Estrada at ng panawagan ni Cayetano na tumahimik ang Senado bilang pahayag umano ng Senate independence. Nahaharap si Estrada sa kasong plunder kaugnay ng umano’y kickbacks sa flood-control projects. Itinanggi niya ang akusasyon.

Iginiit ng minorya na dapat magpatuloy ang sesyon ng Senado at anumang protesta ay dapat ihayag sa floor.

Sa ilalim ng rules ng Senado, kailangan ang mayorya ng mga senador para magkaroon ng quorum. Kung walang quorum, limitado lamang ang maaaring gawin ng mga senador na naroroon, kabilang ang pagpapaliban ng sesyon araw-araw o ang pagpupumilit na padaluhin ang mga absent na miyembro. Ngunit nakabatay ang mga hakbang na iyon sa unang pagbubukas ng sesyon.

Sa press time, hindi pa rin nabubuksan ang sesyon ng Senado sa ikalawang sunod na araw, kaya nanatiling nakabinbin ang mga panukala at lumitaw ang mga tanong kung makababalik sa trabaho ang kapulungan bago ang inaasahang impeachment trial sa Hulyo.