Pic

NBI: Kasong kriminal vs Rep. Barzaga nakaamba

Mar Rodriguez Jun 2, 2026
19 Views

Pic1NAKAAMBA ang kasong kriminal laban kay Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga kaugnay sa social media post nito tungkol sa nangyaring barilan sa Senado.

Hinihiling ng National Bureau of Investigation (NBI) sa House Committee on Ethics ang masusing imbestigasyon kasunod ng pagpapatalsik kay Barzaga bilang miyembro ng Kamara.

Ang kahilingan ni NBI Director Melvin Matibag ay nag-ugat sa post ni Barzaga sa social media kaugnay sa naganap na insidente sa Senado noong nakaraang buwan.

Maaaring maharap si Barzaga sa mga kasong kriminal, ayon kay Director Melvin Matibag, dahil umano sa pagpapakalat ni Barzaga ng maling impormasyon na nag-uugnay sa mga tauhan ng NBI sa insidente.

Inihain Director Matibag ang reklamo sa Kamara na nagsabing mali ang ipinahihiwatig ng mga post at livestream ni Barzaga na pumasok ang mga ahente ng NBI sa Senado upang umatake sa ilang mambabatas.

Iginigiit ni Matibag na ang kanilang ginawang inisyatiba ay hindi umano bunga ng personal na motibo kundi bahagi ng tungkulin ng NBI na ipagtanggol ang mga tauhan nito at ang integridad ng institusyon laban sa anumang paninirang puri..

“Inihahain ko ito hindi para sa aking personal na posisyon kundi sa ngalan ng mga kalalakihan at kababaihan ng NBI,” ani Matibag.

Natunton at napatunayan ng ahensya ang siyam na post mula sa account ni Barzaga na umano’y nag-uugnay sa mga tauhan ng NBI sa sinasabing plano.

“May siyam na post kaming natunton sa kanyang account. Napatunayan naming kanya nga ang account na iyon.

Sa mga post na iyon, tila inaakusahan niya ang mga miyembro ng NBI na pumasok sa Senado upang magsagawa ng tangkang pagpaslang sa ilang senador,” wika ni Matibag.

Ayon pa kay Matibag, naghahanda rin ang ahensya ng mga reklamong kriminal laban kay Barzaga dahil sa posibleng paglabag sa Artikulo 154 ng Revised Penal Code na nagpaparusa sa paglalathala o pagpapakalat ng maling impormasyon, gayundin sa iba pang mga paglabag na kasalukuyan pang sinusuri.