Ortega

Ortega: Mas maraming Pilipino ang sumusuporta sa paglilitis kay VP Duterte dahil sa proseso ng impeachment sa House

13 Views

MALUGOD na tinanggap ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union nitong Martes ang bagong survey ng OCTA Research na nagpapakita na 74 porsiyento ng mga Pilipino ang sumusuporta sa nalalapit na impeachment trial ni Bise Presidente Sara Z. Duterte.

“Ang poll ay salamin ng lumalaking interes ng mas maraming Pilipino sa paglilitis ng Bise Presidente, na patuloy na nanatiling hindi nakikilahok sa mga pagdinig sa House impeachment,” sabi ni Ortega.

Aniya, ang bagong antas ng suporta para sa paglilitis ay pagtaas ng limang porsiyentong puntos mula sa 69 porsiyento na naitala noong Marso.

“Ang ibig sabihin nito ay umakyat sa halos pito at kalahati, mula sa halos pito, sa bawat sampu sa mga kababayan natin ang gustong matuloy ang trial ni Bise Presidente Sara Duterte,” dagdag niya.

“Ito’y nangangahulugan din na gusto nilang marinig ang sagot ni VP Sara sa mga paratang sa kanya, sagot na hindi nila narinig sa proseso ng impeachment sa House,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ni Ortega na ang bahagyang pagtaas sa antas ng suporta ng mga Pilipino para sa paglilitis ay naganap habang isinasagawa ng House Committee on Justice ang mga clarificatory hearings sa mga impeachment charges laban sa Bise Presidente.

“Naniniwala ako na ang hindi pagdalo ng bise presidente sa mga pagdinig noong Abril at ang mga ebidensyang ipinrisinta rito ay nakumbinse sa marami nating kababayan na suportahan ang impeachment trial,” diin niya.

Sinabi ni Ortega na ang bagong survey ay dapat makumbinsi ang Senado bilang impeachment court na ipagpatuloy ang aktwal na trial at presentasyon ng ebidensya na pansamantalang naka-iskedyul sa Hulyo 6.

“Sa tingin ko, hindi papayag ang mga kababayan natin na maantala pa ito. Excited na excited na sila na matuloy ang trial at marinig si VP Sara,” ani Ortega.