Tulfo

Misteryong pagkawala at pagkamatay ng inmate ng NBP na si Michael Cataroja nais paimbestigahan ni Rep. Tulfo

Mar Rodriguez Jul 27, 2023
196 Views

DAHIL nasasangkot na naman sa panibagong kontrobersiya ang New Bilibid Prison (NBP). Hinihilling ni ACT-CIS Party List Congressman Erwin T. Tulfo sa liderato ng Kamara de Representates na magkaroon ng isang malalimang imbestigasyon sa nasabing pambansang piitan kaugnay sa misteryong pagkawala ng isa sa mga inmate nito na si Michael Cataroja.

Inihain ni Congressman Tulfo ang House Resolution No. 1136 sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para magkaroon ng isang malalimang pagsisiyasat ang isang partikular na Komite patungkol sa kontrobersiyal na pagkawala ng bilanggo na si Cataroja mula sa Maximum Security Compound ng NBP sa ilalim ng pangangasiwa naman ng Bureau of Corrections (BuCor).

Sinabi ni Tulfo na napa-ulat noong June 2023 na ang inmate na si Cataroja (25 years old), nakulong dahil sa paglabag sa kasong Anti-Fencing Law at mayroong nakabinbing kaso ng car theft, ay nawawala mula sa kaniyang kulungan.

Dahil dito, nabatid kay Tulfo na hiningi na ng BuCor ang tulong ng Philippine Coast Guard (PCG) Search Team para halughugin ang 10.87 hektaryang Maximum Security Compound upang hanapin ang nawawalang si Cataroja. Kung saan, natagpuan aniya ang bangkay ng nasabing inmate sa loob ng isang septic tank sa loob ng Dormitory 8, Quadrant B ng NBP Compound.

Dahil sa insidenteng ito, binigyang diin ng baguhang kongresista na bilang pangunahing tungkulin ng Kamara de Representantes. Kinakailangan aniyang magsagawa ng masusing pagre-repaso sa kasalukuyang batas at rules and regulations kaugnay sa public order and safety ng bansa kabilang na dito ang mga “correctional facilities” patungkol sa kontrobersiyal na kaso ni Cataroja.

“As part of the duties and funcctions of the House f Representatives. It is prudent to revisit and scrutinize existing laws, regulations and circumstances that affect the country’s public order and safety primarily the country’s correctional facilities,” paliwanag ni Tulfo.

Ipinunto pa ni Congressman Tulfo na patuloy parin namamayagpag sa loob ng NBP ang mga patayan sa kabila ng pagpapalit ng liderato sa Bureau of Corrections (BuCor). Kabilang na dito ang patuloy na bentahan ng illegal na droga at iba pang illegal na gawain. Kung saan, itinuturing na lamang ito bilang isang ordinaryong pangyayari sa loob ng NBP.
__________________________