Mary Grace

Misteryosong Mary Grace Piattos unang problema pa lang, marami pa — Chua

92 Views

ANG misteryosong kaso ni “Mary Grace Piattos” ay maliit na bahagi lamang umano ng malaking kontrobersya kaugnay ng 158 acknowledgment receipts (AR) na ipinasa ng Office of the Vice President (OVP) upang bigyang katwiran ang paggastos ng P612.5 milyong confidential fund ni Vice President Sara Duterte.

Ito ay ayon kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chairman ng House Blue Ribbon Committee, na nagsabi na ikinokonsidera ng komite ang pagkuha ng mga penmanship experts upang suriin ang mga sulat sa AR na ginawang katibayan sa pagtanggap ng confidential fund.

Ginastos ng OVP ang kabuuang P500 milyong confidential fund mula Disyembre 2022 hanggang sa ikatlong quarter ng 2023 at P112.5 milyon naman sa DepEd sa unang tatlong quarter ng 2023.

Nauna ng nag-alok ang komite ng P1 milyong pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon upang makilala si “Mary Grace Piattos,” ang pangalan na isinulat sa isa sa mga AR.

Sa isang press conference, sinabi ni Chua na makikipag-ugnayan ang komite sa Philippine Statistics Authority (PSA) upang malaman kung mayroong nakarehistrong Piattos sa kanila.

Ayon kay Chua, hindi lamang si “Mary Grace Piattos” ang pinagtutuunan ng pansin ng komite dahil maliit na bahagi lamang ito ng kanilang iniimbestigahan.

“Hindi lang ‘yan ang nakita namin na problema dito. Marami po kaming nakitang problema, isa lamang ‘yan sa nakita namin na problema,” sabi ni Chua.

Ayon kay Chua, posibleng nagmadali ang OVP sa pag-liquidate ng confidential fund matapos na maglabas ang Commission on Audit (COA) ng Audit Observation Memorandum (AOM).

“Ang theory po namin, parang lumabas ang mga [ARs] noong nilabasan po sila ng AOM ng COA. So because of that, nataranta po sila to justify ‘yung liquidation nila. Nag-produce sila ng maraming [ARs],” paliwanag ni Chua.

Sinabi ni Chua na mayroong mga AR na isinumite ang OVP na hindi akma ang petsa sa paglabas ng confidential fund.

“‘Yung mga stroke po, bagama’t iba-iba ang pangalan, pero ang stroke kung paano pinirmahan ito ay isa lang. Pati po ang ballpen na ginamit, iisa ang tinta. Medyo highly suspicious po ang mga [ARs] na isinumite,” sabi ni Chua.

Kung hindi umano mapatutunayan na totoo ang mga lumagda sa AR ay maaaring sabihin na gawa-gawa lamang ang mga ito.

Ganito rin ang sinabi ni House Assistant Majority Leader at Taguig 2nd District Rep. Amparo Maria “Pammy” Zamora.

“And you know, it’s very simple, ‘yung requirements. It’s just an acknowledgment receipt. It asks for a signature, ng pangalan, ng petsa,” sabi ni Zamora.

“Ang daming [AR] doon na nakita namin — meron walang petsa, merong pirma lang walang pangalan, merong pangalan walang pirma. Merong mali ang petsa, hindi naaayon sa kung kailan ni-release, kung kailan dinisburse,” dagdag pa ni Zamora.

Sinabi ni Zamora na mayroon ding pagkakahawig ang mga sulat kahit na sa iba nakapangalan ang AR kaya posible na iilang tao lamang ang gumawa nito.

“Pare-parehas ang sulat. If you go back to it, talagang ‘yung pagsulat noong mga petsa, iisa lang eh. Iniba lang ‘yung pangalan. Meron nga wala pang pirma,” saad pa ni Zamora.

Nanawagan si Zamora kina Duterte at OVP Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta na humarap sa pagdinig ng komite upang makapagpaliwanag.

“Napakalaking halaga pero ganito na nga lang ang requirement, hindi pa maitama. Kaya talaga pong, you know, it casts doubt, and that’s why we asked that the VP and the SDO ay magpakita at magpaliwanag naman,” dagdag pa ni Zamora.