Calendar

Miyembro ng PBBM admin: Walang sabwatan sa pag-aresto kay DU30
“WALANG naganap na sabwatan sa ICC at ng administrasyong Marcos Jr.”
Ito ang mariing niliwanag ng mga miyembro ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan ay iginiit ng mga ito na walang papel ang pamahalaan sa pagtulong sa International Criminal Court (ICC) sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa gitna ng pagharap ng mga opisyal ng gobyerno sa pagsisiyasat ng Senate Foreign Relations Committee na pinamumunuan ni Senadora Imee Marcos noong Huwebes, Marso 20, 2025.
Sa nasabing pagdinig, ginisa ni Sen Marcos sina Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, National Security Adviser Eduardo Año, Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., Interior Secretary Jonvic Remulla, Solicitor General Menardo Guevarra, Philippine Air Force Commanding General Lt. Gen. Arthur Cordura, at PNP Chief Rommel Marbil tungkol sa naging papel ng gobyerno sa pag-aresto at paglilipat kay Duterte sa Hague, Netherlands.
Nanindigan ang mga kalihim ni Marcos Jr. na ginawa nila ang naaayon sa batas at ito ay ang pakikipag-ugnayan lamang sa Interpol na lagi umanong tumutulong sa ating bansa sa maraming pamamaraan.
Ayon kay Justice Secretary Remulla, sadyang walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas, lalo na matapos itong umatras sa Rome Statute noong 2019 kung kayat hindi sila dito nakikipag ugnayan kahit noon pa man lalot sa mga imbestigasyon na isinagawa nito laban kay dating Pangulong Duterte.
“We did not assist the ICC, ma’am. We continued with the very tenure of the letter that we did not assist the ICC. We never had contact with them,” ani Sec. Remulla, na tinutukoy ang sulat ni Pangulong Marcos Jr. kay Bise Presidente Sara Duterte noong Disyembre 2023, kung saan binigyang-diin na walang awtoridad ang ICC sa Pilipinas.
Itinanggi naman ni National Security Adviser Eduardo Año ang paratang na may operasyon ang gobyerno para arestuhin si Duterte.
“I may also state for the record that I am not aware of any core group, nor am I a member of such a group that allegedly planned and prepared for the arrest of former President Duterte,” ani Año.
Dagdag pa niya, wala umanong ginawang surveillance o pagsubaybay ang gobyerno sa kilos ni Duterte bago siya naaresto.
“The former President’s presence in Hong Kong as well as his return to the country was public knowledge, since it was heavily reported in both mainstream and social media,” paliwanag niya.
Binigyang-diin ni Año na ang Red Notice ng Interpol ang nagpatupad ng pag-aresto kay Duterte, at walang operasyon mula sa panig ng gobyerno upang arestuhin siya.
Ipinaliwanag naman ni Justice Secretary Remulla na ginamit ng gobyerno ang Republic Act 9851, ang batas ng Pilipinas kaugnay ng International Humanitarian Law, upang bigyang katuwiran ang pagsunod sa warrant laban kay Duterte.
“The Republic Act 9851 allows us two options, either extradition or surrender. We chose the executive mode, which is surrender,” paliwanag ni Remulla.
Itinanong ni Sen. Marcos kung ito ba ay sapat na batayan upang isuko si Duterte sa ICC, lalo pa’t hindi kinikilala ng administrasyon ang hurisdiksyon ng korte.
“Yes, as mentioned previously and within the provisions, it allows us two options,” sagot ni Remulla.
Ayon kay Justice Sec. Remulla, ang pagsunod sa Republic Act 9851 ay nagpapatunay na ang gobyerno ay kumikilos batay sa sariling batas nito at hindi sa direktiba ng ICC.
Itinanong din ni Senador Marcos si Remulla kung may pagbabago ba sa polisiya ng gobyerno pagdating sa ICC.
Itinanggi ito ni Remulla, na sinabing ang pahayag ng Pangulo ay dapat basahin sa tamang konteksto sapagkat sumusunod lamang aniya ang Punong Ehekutibo sa itinatadhana ng ating batas.
“Nobody ever identified themselves as the ICC when they entered our country, if ever they entered our country,” ani Justice Sec. Remulla, na iginiit na hindi nakipag-ugnayan ang gobyerno sa ICC sa anumang paraan.
Samantala, Interior Secretary Jonvic Remulla ay tinanong kung may papel ang mataas na opisyal ng gobyerno sa pagplano ng pag-aresto kay Duterte.
Nang tanungin ni Senador Marcos kung siya ba ang nanguna sa pagpaplano, mariing itinanggi ito ni Jonvic Remulla, ngunit inamin na nagkaroon ng mga diskusyon kasama sina Defense Secretary Teodoro, PNP Chief Marbil, at NSA Año kung paano aaksyunan ang pakikipag ugnayan sa Interpol.
Sa buong pagdinig ng Senado, matatag na ipinagtanggol ng mga opisyal ng Marcos administration na ang Pilipinas ay hindi tumulong sa ICC, ngunit sumunod sa mga internasyonal na kasunduan gaya ng Interpol.
Habang nagpapatuloy ang kaso ni dating Pangulong Duterte sa ICC, nananatili ang Marcos administration sa posisyon nito na hindi ito kusang nakipagtulungan sa korte ng ICC at patuloy nitong pinangangalagaan ang soberanya ng Pilipinas na taliwas sa mga bintang ng kabilang kampo.