Calendar
MMC sa mga brgys: Tulungan nyo kami sa paghuli sa nagtatapon basura kung saan-saan
PLANO ng Metro Manila Council (MMC) na humingi ng tulong sa mga opisyal ng bawa’t barangay sa Metro Manila para mahuli ang mga nagtatapon ng basura sa mga daluyan ng tubig at kalsada.
Ayon kay MMC President at San Juan Mayor Francis Zamora, kinakailangan nila ang tulong ng mga barangay upang maging epektibo at maipatupad ng maayos ang panghuhuli sa mga nagtatapon ng basura sa mga estero, kanal, ilog, at maging sa lansangan.
Kamakailan lang, nagpasiya ang MMC na itaas sa P5,000 ang multa laban sa sinumang mahuhuling magtatapon ng kahit anong basura, maliit man o malaki, sa mga daluyan ng tubig at kalsada.
Layunin nito na makatulong na maibsan ang mga pagbaha sa Metro Manila lalu’t kadalasang nakukuha sa isinasagawang de-clogging at paglilinis ng ilog at estero ang iba’t-ibang basura.
Sinabi ni Zamora na kailangan lamang na may political will hindi lamang ang mga barangay official, kundi maging mga mayor para maging epektibo ang pagpapatupad sa bagong ordinansa.
“Hindi naman sila dapat mangamba na baka mabawasan ang boto nila sa gagawing panghuhuli sa kanilang mga constituents dahil mas marami ang masisiyahan kapag naging malinis ang kapaligiran,” sabi ni Zamora.
Sinabi ni Zamora na hihimukin din nila ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes ang mga nagmamay-ari ng nakatiwangwang na lupa na magtayo na multi-storey parking/garage bilang hakbang upang may paradahan ang mga sasakyan kapag sinimulan na ang total street parking ban.

