Calendar
MMDA handa sa mabilis, maayos na pagresponde sa biktima ng bagyo
TINIYAK ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mabilis at maayos ang pagresponde nito tuwing may bagyo sa Metro Manila bunga ng paggamit ng ArcGIS software.
Lumilikha ng mapa at visualize spatial date ang naturang software at makikita rito ang mga sasakyang magagamit kapag may emergency, mga kagamitang kinakailangan, search and rescue teams, ospital at evacuation centers sa bawa’t syudad sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, malaking tulong ang teknolohiyang ito upang madaling makapaghatid ng tulong ang ibang lokal na pamahalaan sa ibang lugar sa Metro Manila na magkukulang sa kanilang resources o mapagkukuhanan ng kung ano ang kailangan sa panahon ng sakuna.
Sinabi ni Artes na madali na matutukoy sa pamamagitan ng ArcGis kung saan ang pinakamalapit na rescue team sa oras na may maiulat na nangangailangan ng tulong o responde.
Nag-inspeksyon sina Atty. Artes at MMDA General Manager Usec. Procopio Lipana sa mga nakahanda at naka-preposition na emergency response equipment bilang paghahanda sa bagyong Pepito.
Kabilang sa mga ang dalawang aluminum boats, apat na rubber boats, 5,000 life vests, solar-powered water purifiers, chainsaw, rotary saw at modular tents.
Handa na rin ang mga ambulansiya, tow trucks, rapid response vehicle, at military truck sakaling kailanganin ng Metro Manila habang ang 71 pumping stations naman na pinamamahalaan din ng ahensiya tiniyak na gumaganang lahat.
Nanawagan din si Atty. Artes sa mamamayan na makipagtulungan sa tuwing may kalamidad partikular sa pagsunod sa utos ng mga awtoridad sa paglikas.