MMDA

MMDA naglatag ng hakbang para maibsan matinding trapiko ngayong Kapaskuhan

Edd Reyes Dec 11, 2025
210 Views

MMDA1NAGLATAG na ng mga hakbang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang hindi na maulit ang nangyaring grabeng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Marcos Highway nitong nakaraang Sabado.

Kabilang sa mga tinitingnang hakbang na ipatutupad ng MMDA ang pare-parehong oras ng implementasyon ng truck ban ng mga lokal na pamahalaan sa buong kahabaan ng Marcos Highway na mula alas-5 hanggang alas-8 ng umaga at alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.

Pagbubukas ng intersection sa Marcos Highway at Gil Fernando Avenue sa pamamagitan ng paglalagay na lang ng orange barriers sa halip na konkretong barriers upang madaling alisin kapag sumikip ang daloy ng trapiko.

Binanggit naman ni Atty. Vic Nuñez, Director for Enforcement ng MMDA Traffic Discipline Office na nagkasundo rin ang mga kinatawan ng Bayan ng Cainta, at mga Lungsod ng Antipolo, Marikina, at Pasig na paiigtingin nila ang panghuhuli sa mga illegal terminal at illegal vendors sa nasasakupan nilang lansangang nag-uugnay sa Marcos Highway upang mabilis ang biyahe ng mga sasakyan.

Iniutos din ni MMDA Chairman Atty. Don Artes ang pagpapaigting ng clearing operation sa mga Mabuhay Lanes at iba panga pangunahing alternatibong ruta upang magamit ng maayos ng mga motorista, pati na ang pagdaragdag ng mas maraming traffic enforcers sa Marcos Highway at iba pang pangunahing lansangan.

Nitong Miyerkules ang nagsagawa ng inspeksiyon ang MMDA at mga kinatawan ng mga lokal na pamahalaan sa kahabaan ng Marcos Highway upang lalu pang ma-plantsa at mga hakbang na ipatutupad para maibsan ang pagsisikit ng daloy ng trapiko.