Himala

MMFF 2024 maaaring magkaroon ng totoong himala

Eugene Asis Dec 8, 2024
89 Views

Himala1Himala2SA trailer pa lang ng pelikula, na-impress na kami.

Ang “Isang Himala” ay isang musical adaptation ng 1982 classic film na “Himala” (na dinirek ni Ishmael Bernal, walang dudang isa sa pinakamahusay na Pilipinong direktor, at pinangunahan ng cinema icon na si Nora Aunor) na napiling isa sa sampung kalahok sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) na magsisimula ngayong December 25.

Ang ‘Isang Himala’ ay dinirek naman sa makabagong panahon ng progresibong direktor na si Pepe Diokno na tumulong din sa pagsusulat ng orihinal na writer nito, ang National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee.

Ang Elsa sa makabagong bersyon ay gagampanan ng singer-actress na si Aicelle Santos na nagsabing: “Nakakatakot ang pressure. Pero ang ginawa namin, in-enjoy lang namin (ng buong cast) ang paggawa nito, pero ibinigay namin ang lahat kaya alam naming maibabahagi namin ang mensahe ng pelikula sa aming audience.”

Kasama ni Aicelle (na isa sa pinakamahuhusay na mang-aawit sa kanyang panahon) ang isang ensemble ng pinakamahuhusay sa Philippine theater, kabilang sina Bituin Escalante, David Ezra, Neomi Gonzales, Kakki Teodoro, Joann Co, and Vic Robinson.

At bilang nag-iisang musical sa sampung kalahok sa MMFF 2024, nararamdaman ni Aicelle na may bago silang maihahandog sa manonood ng pelikulang Pilipino.

Bukod sa ang direktor nito ay si Pepe Diokno na siya ring nasa likod ng award-winning na ‘GomBurZa’ na humakot ng mga tropeyo noong isang taon, gayundin ang uri ng panulat ni Ricky Lee, maipagmamalaki rin ng pelikula ang mahusay na paglalapat ng musika ni Vincent de Jesus na napakarami na ring natanggap na parangal sa kanyang larangan.

At base nga sa napanood naming trailer ng ‘Isang Himala,’ malaki ang tsansa nitong gumawa ng himala sa takilya, lalo na pagkatapos ng awards night kung saan inaasahang isa ito sa maghahakot ng awards.

Bukod sa kakaibang approach sa paggawa ng isang entertaining film, ayon kay Ricky Lee ay may sorpresang suporta ang orihinal na Elsa, si Miss Nora Aunor sa naturang pelikula. Abangan.