Khonghun

‘Motibo’ ni ex-Speaker Alvarez sa kaniyang panawagan sa AFP isiniwalat ni Khonghun

Mar Rodriguez Apr 16, 2024
137 Views

PantaleonISINIWALAT ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st Dist. Cong. Jefferson “Jay” F. Khonghun ang umano’y motibo ni dating House Speaker at Davao del Norte Cong. Pantaleon “Bebot” D. Alvarez kaya ipinanawagan nito sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagbawi nito ng suporta kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Hindi na nagpaligoy-ligoy at nagpatumpik-tumpik si Khonghun matapos nitong ilantad ang tunay na motibo ng dating House Speaker matapos ang kaniyang panawagan sa hanay ng AFP na mag-withdraw ng suporta kay Pangulong Marcos, Jr. sa gitna ng lumalalang sitwasyon sa West Philippine Sea (WPS).

Binigyang diin ni Khonghun na ang pahayag ni Alvarez sa ginanap na rally sa Tagum City ay hindi maituturing na isang payak o simpleng pagpapahayag lamang ng kaniyang saloobin at hinanaing. Bagkos, maikokonsidera ito bilang pagtatangkang pabagsakin ang kasalukuyang gobyerno.

Ayon sa kongresista, maliwanag pa sa sikat ng araw na ang totoong layunin ng dating House Speaker ay hindi lamang ang pagpapahayag ng kaniyang sentimyento. Kundi ang sadyang pagpapabagsak sa pamahalaan sa pamamagitan ng paghahasik ng kaguluhan, kalituhan at paninira.

Dahil dito, muling iginiit ni Khonghun na hindi dapat pahintulutan ang sino mang indibidual na tulad ni Alvarez na sirain o papanghinain ang democratic process ng bansa sa pamamagitan ng paninira at panunulsol para lamang isulong ang kanilang pansarili at pang-politikal na interes.

Kaya para kay Khonghun, dapat papanagutin ang dating House Speaker dahil sa kaniyang mga binitiwang pahayag na maituturing na panunulsol sa hanay ng AFP para mag-aklas laban sa pamahalaan.

“The clear intention behind Alvarez’s remarks is to sow chaos and instability in our nation. We cannot allow individuals to undermine the democratic process and manipulate government institutions for their own political gain. Former Speaker Alvarez must be held accountable,” sabi ni Khonghun.