Calendar
Kinilala ni NBI Director Jaime Santiago ang suspek matapos na maaresto ng mga ahente ng NBI at nakumpiska ang iba’t-ibang ID nito. Kuha ni JONJON REYES
Motorista nagpanggap na taga-NBI, nabuko, kalaboso
KALABOSO ang kinahantungan ng motoristang nagpanggap na miyembro ng National Bureau of Investigation dahil sa road rage at estafa sa Makati noong Huwebes.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nag-ugat ang pag-aresto kay John Paul Jimenez ng iberipika ng Raffy Tulfo In Action (RTIA) kung miyembro ito ng NBI matapos ireklamo ng isang alyas Roben na binangga ang motorsiklo niya at kinaladkad ng may 200 metro noong Hulyo 13.
Nakita sa video ang humahagibis ang itim na SUV na may emergency flashers at nasagi ang motorsiklo ni Roben na may angkas.
Hinarang ang SUV ng motorsiklo na sa halip na huminto ay pinakitaan siya ng chapa ng NBI at humarurot habang nakakaladkad ang motorsiklo.
Nang makausap si Jimenez, nangako siya sa imbestigador ng Makati Vehicular Traffic Investigation Unit na magbabayad ng P26,867 subalit P11,000 lamang ang natupad.
Nang siyasatin ng NBI, nadiskubre na si Jimenez Jay Ar Cabana ang tunay na pangalan.
Hindi siya konektado sa alinmang tanggapan ng NBI at natuklasan pa ang nakabinbing warrant of arrest sa kasong syndicated estafa sa Lucena RTC Branch 55.
Noong Hulyo 24, sinalakay ang condo unit ni Jimenez at isinilbi ang warrant of arrest. Nasamsam ng NBI ang ilang identification cards kabilang ang fake NBI ID at fake NBI wallet badge.
Gayunman nakapiit siya sa NBI detention facility sa loob ng Bureau of Corrections Muntinlupa habang inihahanda ang isasampang mga kaso.

