Shabu Kinilala ni MPD Chief P/BGen. Arnold Thomas Ibay ang mga suspek na sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga sa Manila. Kuha ni JonJon Reyes

MPD cops nakasakote ng 7 drug suspek

Jon-jon Reyes Mar 2, 2025
15 Views

NATIMBOG ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang pitong suspek na tulak at nasabat sa mga ito ang 124 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P900,000 sa Sampaloc at Sta. Ana, Manila noong Linggo.

Unang naaresto ang 4 na suspek, kabilang ang isang babae, sa PNR railroad kanto ng G. Tuazon St., Brgy. 422, Zone 43, Sampaloc, Manila.

Nakilala ang mga suspek na sina alyas Abet, 55; alyas Mar, 22; alyas Lyn, 31; at alyas Bayang, 24.

Bandang alas-5:30 ng umaga nahuli ang mga suspek ng mga pulis sa pamumuno ni Police Maj. Gil John Lobaton, hepe ng Station Drugs Enforcement Unit.

Nasamsam sa kanila ang mahigit 120 na gramo ng shabu na may halagang P816,000.

Arestado rin ng mga kapulisan ang tatlo pang suspek na umano’y may kinalaman sa kalakaran ng ilegal na droga sa Batangas Line, Brgy. 800, Paco, Manila noong Sabado.

Nasabat mula sa mga suspek ang 24 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P163,000. Bandang alas-11:30 ng gabi natimbog sina alyas Al, 31; alyas Richard, 40; at alyas Anthony.